Friday, November 12, 2010

Walang Sugat: Mabisang Identidad ng Pagka-Pilipino

Bagama’t mahigit isang siglo na ang nakalilipas nang unang maitanghal ang Walang Sugat ng bantog na mandudulang si Severino Reyes at ng sikat na kompositor na si Fulgencio Tolentino, hindi pa rin talaga ganap na masasabing said na ang bisang panggayuma ng angkin nitong mga elemento – lalo na ang elemento ng romantisismo buhat na rin ng kakaibang anyo nito.

Sa ating kasalukuyang panahon kung kailan okupado na tayo ng samu’t saring pananaw mula sa mga banyaga, katambal pa ng malawakan at mabilis na paglaganap ng sinasabing kulturang popular, tila mayroon talaga tayong pangangailangang sumulyap muli sa mayayabong na impluwensya ng ating nakaraan upang patuloy na mapagtibay ang ating pangkasalukuyan.

Sa totoo lamang, hindi tayo makaguguhit ng konkreto at malinaw na linyang maghahati sa dulang Walang Sugat at sa mismong kasaysayan ng teatro dito sa Pinas, partikular na sa pagusbong ng anyong sarswela. Sa katunayan, hindi katutubo sa ating kultura ang ganitong tipo ng dula kaya naman ang malimit na paglalarawan sa “Sarswelang Pilipino” ay bilang isang domestikong anyo lamang ng Sarswelang Kastila. Sa anyong ito na nagmula sa tradisyong panteatro ng Espanya, tipikal na nagkakahalo ang dalawang uri ng dayalogong ginagamit: ang pasalita at ang patula. Hindi rin mawawala dito ang serye ng mga dayalogong pinapatungan ng samu’t saring komposisyon na maaaring awitin.

Ngunit, mas higit na mamarapatin kung ang kaibahan ng Sarswelang Pilipino sa Sarswelang Kastila ay mababatid nang lahat sa atin. Isang kongkretong patunay ang tampok na obrang Walang Sugat kung paano binago at ginawang katangi-tangi ang ating sarswela. Ayon sa kasaysayan ng tradisyong panteatro sa Pilipinas, ito ang naging hudyat ng kapanganakan ng sarswela sa ating bansa.

Sa tatlong kabanatang bumubuo dito, lutang na lutang ang kasangkapang romantisismo bilang isang matibay na impluwensya – isang matinding impluwensya na gumigising sa kamalayan ng bawat manonood patungkol sa kalagayang sosyo-pulitikal ng bansa sa panahong itinakda. Kung seryosong dula ang iyong inaakala, tiyak na nagkakamali ka. Sapagkat ang Sarswelang Pilipino, kahiman may bahid ng panguuyam tungkol sa kontemporaryong mga isyung panlipunan, ay gumagamit din ng mga katawa-tawang tagpo upang makadagdag ng sigla sa pagtatanghal nito.

Malaki rin ang paralelismo ng Walang Sugat sa iba pang mga Sarswelang Pilipino na namayagpag noong kasagsagan nito sa bansa. Higit lalong makikita ang “Pilipinisasyon” nito sa wika at tema pa lamang na tampok dito. Dahil nga isang sarswela, puspos ng romantisismo ang kabuuan nito. Kasabay ng pag-inog nito sa buhay at isyu sa loob ng pamilya at gobyerno ay ang komplikasyon sa pag-iibigan na resulta ng kaibahan sa paniniwala o katayuan sa buhay, na sinamahan pa ng patriyotikong mithiin para sa bayan.

Hayaan ninyong isa-isahin natin ang mga tema ditong lugmok sa elemento ng romantisismo. Una na lamang ang pag-iibigan ng mga pangunahing karakter na sina Tenyong at Julia. Mailalarawan ang sitwasyon ng dalawa gamit ang mga gasgas na linyang “Pag-ibig na hahamakin ang lahat, masunod ka lamang”. Maraming balakid sa kanilang pag-iibigan – naroong ipinagkasundo na si Julia sa ibang lalaki, naroong pinaghiwalay sila buhat ng isang panatang nasumpaan na, at marami pang iba. Ngunit dahil sa kanilang wagas at dalisay na pag-ibig para sa isa’t isa, sila pa rin ay naging masaya. Dito, malinaw na malinaw ang isang katangian ng romantisismo sa konteksto ng Sarswelang Pilipino: malayo sa katotohanan, kung may katotohanan o punto man ay eksaherado naman.

Isunod naman natin ang tema ng pagmamahal sa Inang Bayan o ang tinatawag nating patriyotikong mithiin para sa bansa. Sa katunayan, ang pag-iibigang Tenyong at Julia ay isang alegorya ng pag-ibig na alay ng mga Pilipino sa kanilang sariling bansa – ang Pilipinas. Lumutang ang temang ito sa pangunguna ng magiting na si Tenyong. Kahit hindi pa nakalalagpas sa mga personal na trahedyang naranasan, kahit sariling kaligtasan at kaligayahan pa ang nakataya, walang pag-aalinlangan siyang tumugon sa tawag ng naghihingalong bayan na hindi makaalpas sa kuko ng malulupit na mga banyaga. Dito nabigyang diin ang isa pang katangian ng ating sarswela: ang hindi tuwiran ngunit angkop na paglalangkap ng mabuting aral.

Sa malalimang pagtingin, ang kabuuan ng dulang Walang Sugat ay sumusunod sa balangkas patungo sa kaayusan. Mapapansing kahit na bahagyang lumalayo ang temang romantiko sa katotohanan, bumabalik pa rin ito sa makabuluhang kamalayang panlipunan. Ang balangkas na iyan ang nagsilbing hibla na tumatahi sa kabuuang tema, maging ang estruktura’t anyo ng dula.

Sa kabuuan, ang isinagawang pagtatanghal ng Ateneo de Manila sa Walang Sugat ay sumapat lamang sa adhikain nitong buksan ang kamalayan ng bawat mamamayan tungo sa pagpapatibay ng ating bayan sa kasalukuyan. Kahit sabihin pang nag-ugat ang ating sarswela sa isang banyagang tradisyon, iniangkop naman natin ito ayon sa sarili nating kamalayan, sensibilidad at panlasa. Dahil diyan, walang duda na ang obrang Walang Sugat ni Reyes at ni Fulgencio ay marapat lamang tingnan bilang isang matibay na simbolo ng ating identidad, pagka-bansa, at pagka-Pilipino.

----------------------------------------------
PlayReaction Paper for Fil12 under Dr. Beni Santos, "Walang Sugat"

No comments:

Post a Comment