Friday, November 12, 2010
Walang Sugat: Mabisang Identidad ng Pagka-Pilipino
Sa ating kasalukuyang panahon kung kailan okupado na tayo ng samu’t saring pananaw mula sa mga banyaga, katambal pa ng malawakan at mabilis na paglaganap ng sinasabing kulturang popular, tila mayroon talaga tayong pangangailangang sumulyap muli sa mayayabong na impluwensya ng ating nakaraan upang patuloy na mapagtibay ang ating pangkasalukuyan.
Sa totoo lamang, hindi tayo makaguguhit ng konkreto at malinaw na linyang maghahati sa dulang Walang Sugat at sa mismong kasaysayan ng teatro dito sa Pinas, partikular na sa pagusbong ng anyong sarswela. Sa katunayan, hindi katutubo sa ating kultura ang ganitong tipo ng dula kaya naman ang malimit na paglalarawan sa “Sarswelang Pilipino” ay bilang isang domestikong anyo lamang ng Sarswelang Kastila. Sa anyong ito na nagmula sa tradisyong panteatro ng Espanya, tipikal na nagkakahalo ang dalawang uri ng dayalogong ginagamit: ang pasalita at ang patula. Hindi rin mawawala dito ang serye ng mga dayalogong pinapatungan ng samu’t saring komposisyon na maaaring awitin.
Ngunit, mas higit na mamarapatin kung ang kaibahan ng Sarswelang Pilipino sa Sarswelang Kastila ay mababatid nang lahat sa atin. Isang kongkretong patunay ang tampok na obrang Walang Sugat kung paano binago at ginawang katangi-tangi ang ating sarswela. Ayon sa kasaysayan ng tradisyong panteatro sa Pilipinas, ito ang naging hudyat ng kapanganakan ng sarswela sa ating bansa.
Sa tatlong kabanatang bumubuo dito, lutang na lutang ang kasangkapang romantisismo bilang isang matibay na impluwensya – isang matinding impluwensya na gumigising sa kamalayan ng bawat manonood patungkol sa kalagayang sosyo-pulitikal ng bansa sa panahong itinakda. Kung seryosong dula ang iyong inaakala, tiyak na nagkakamali ka. Sapagkat ang Sarswelang Pilipino, kahiman may bahid ng panguuyam tungkol sa kontemporaryong mga isyung panlipunan, ay gumagamit din ng mga katawa-tawang tagpo upang makadagdag ng sigla sa pagtatanghal nito.
Malaki rin ang paralelismo ng Walang Sugat sa iba pang mga Sarswelang Pilipino na namayagpag noong kasagsagan nito sa bansa. Higit lalong makikita ang “Pilipinisasyon” nito sa wika at tema pa lamang na tampok dito. Dahil nga isang sarswela, puspos ng romantisismo ang kabuuan nito. Kasabay ng pag-inog nito sa buhay at isyu sa loob ng pamilya at gobyerno ay ang komplikasyon sa pag-iibigan na resulta ng kaibahan sa paniniwala o katayuan sa buhay, na sinamahan pa ng patriyotikong mithiin para sa bayan.
Hayaan ninyong isa-isahin natin ang mga tema ditong lugmok sa elemento ng romantisismo. Una na lamang ang pag-iibigan ng mga pangunahing karakter na sina Tenyong at Julia. Mailalarawan ang sitwasyon ng dalawa gamit ang mga gasgas na linyang “Pag-ibig na hahamakin ang lahat, masunod ka lamang”. Maraming balakid sa kanilang pag-iibigan – naroong ipinagkasundo na si Julia sa ibang lalaki, naroong pinaghiwalay sila buhat ng isang panatang nasumpaan na, at marami pang iba. Ngunit dahil sa kanilang wagas at dalisay na pag-ibig para sa isa’t isa, sila pa rin ay naging masaya. Dito, malinaw na malinaw ang isang katangian ng romantisismo sa konteksto ng Sarswelang Pilipino: malayo sa katotohanan, kung may katotohanan o punto man ay eksaherado naman.
Isunod naman natin ang tema ng pagmamahal sa Inang Bayan o ang tinatawag nating patriyotikong mithiin para sa bansa. Sa katunayan, ang pag-iibigang Tenyong at Julia ay isang alegorya ng pag-ibig na alay ng mga Pilipino sa kanilang sariling bansa – ang Pilipinas. Lumutang ang temang ito sa pangunguna ng magiting na si Tenyong. Kahit hindi pa nakalalagpas sa mga personal na trahedyang naranasan, kahit sariling kaligtasan at kaligayahan pa ang nakataya, walang pag-aalinlangan siyang tumugon sa tawag ng naghihingalong bayan na hindi makaalpas sa kuko ng malulupit na mga banyaga. Dito nabigyang diin ang isa pang katangian ng ating sarswela: ang hindi tuwiran ngunit angkop na paglalangkap ng mabuting aral.
Sa malalimang pagtingin, ang kabuuan ng dulang Walang Sugat ay sumusunod sa balangkas patungo sa kaayusan. Mapapansing kahit na bahagyang lumalayo ang temang romantiko sa katotohanan, bumabalik pa rin ito sa makabuluhang kamalayang panlipunan. Ang balangkas na iyan ang nagsilbing hibla na tumatahi sa kabuuang tema, maging ang estruktura’t anyo ng dula.
Sa kabuuan, ang isinagawang pagtatanghal ng Ateneo de Manila sa Walang Sugat ay sumapat lamang sa adhikain nitong buksan ang kamalayan ng bawat mamamayan tungo sa pagpapatibay ng ating bayan sa kasalukuyan. Kahit sabihin pang nag-ugat ang ating sarswela sa isang banyagang tradisyon, iniangkop naman natin ito ayon sa sarili nating kamalayan, sensibilidad at panlasa. Dahil diyan, walang duda na ang obrang Walang Sugat ni Reyes at ni Fulgencio ay marapat lamang tingnan bilang isang matibay na simbolo ng ating identidad, pagka-bansa, at pagka-Pilipino.
----------------------------------------------
PlayReaction Paper for Fil12 under Dr. Beni Santos, "Walang Sugat"
The Vagina Monologues: Pagbura sa Stigma ng Kababaihan
Ang dulang Vagina Monologues na matagal nang isinusulong sa pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ay isang magandang halimbawa ng pagkikipaglabang ito ng mga kababaihan. Isa itong mabisa’t balyenteng produksyon na may layong ipakita ang mga kabuktutang ipinupukol sa pagkababae, at tuluyang pakawalan ang mga kababaihan sa kubling pagkakalupig. Ang dulang ito ay isiniwalat sa pamamagitan ng mga monologong batay sa mga panayam sa ilang mga kababaihan na nagtatampok ng hindi lamang tungkol sa sekswal na pag-aari (vagina) ng mga babae, kundi ang kanilang samu’t saring mga kuwento ng paglalakbay sa pagtuklas ng kanilang mga sarili.
Sa mga monologong ito, tiyak na madami ang mapagtatanto ng sinumang manonood – babae man o lalaki. Dahil sa kabisaan ng dulang ito sa pagpapakita sa masining na paraan kung paano tinapakan at binahiran ng kabuktutan ang dangal at pangalan ng mga babae noon (kung tutususi’y pati ngayon dahil sa ilang mga bansa ay laganap pa rin ang ganitong kalupitan), mabibigyan ang sinuman ng pagkakataong matingnan ng mas malalim ang kaniyang sarili, upang tuluyang mapagtanto kung naigagalang nga ba ng kaniyang kinabibilangang lipunan ang halagang naidudulot niya sa kabuuan.
Sa kabilang banda, marami na akong narinig na batikos tungkol sa sistema ng wika mayroon ang dulang ito. Iisa lamang ang nais kong linawin sa kanila: hindi lugmok ng kabastusan ang dulang ito. Wala namang bastos sa pagkilala, pag-angkin at pag-uwi sa sariling katawan, hindi ba? Wala namang malaswa sa paglalantad ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan. Isa lamang itong sining upang mabigyan ng tinig ang bawat babae upang ilarawan, para sa kaniyang sarili, ang kaniyang sarili. Tandaang may kapangyarihan ang bawat salitang binibitawan lalo pa’t kung nasasabi mo ito ng wala man lamang kimi-kimi o hiya-hiya.
Ang lahat ng pagmumuni-muning ito na binigyang daan ng dulang The Vagina Monologues ay mayroong iisang kinababagsakan: ang pagwawasto’t pagpapanumbalik ng dangal at dignidad ng mga kababaihan. Salamat sa The Vagina Monologues, at patuloy na naitatama ang mga nararapat lamang itama. Sulong mga kababaihan!
--------------------------------------------------------
Reaction Paper for The Vagina Monologues, Bonus Paper for Fil12 under Dr. Beni Santos
Sa Tahanan ng Aking Ama
Ang dulang ito ay hindi kasing simple ng iyong inaakala. Hindi lamang ito umiikot sa kapalarang nakatakda sa Pilipinas noong panahon ng digmaan. Hindi lamang ito naglalarawan sa takot at pighati ng bawat mamamayan sa kalagitnaan ng bombang nagsisibagsakan at sa bala ng baril na nagsisiliparan. Ang dulang ito ang siyang salamin sa katotohanang tunay na iba-iba ang paraan upang maitanghal ang kabayanihan.
Sa obrang ito ni Elsa Coscolluela, naging mainam na halimbawa ang pamilya ni Carlos Santamaria sa pagpapalutang ng ganitong kaisipan. Mula sa haligi ng tahanan hanggang sa pinakabunsong anak ay naging palatandaan ng kabayanihan. Ngunit, hindi naging madali ang lahat sa pamilyang ito. Ang salungatan ay nagsilabasan lamang nang sila ay nahulog sa mapanlinlang na pamantayang itinakda ng lipunan tungkol sa pagiging bayani at pagiging tapat sa bansa. Naroong sila’y magkawatak-watak na ng dahil sa mga pananaw kung sino nga ba ang taksil at kung sino nga ba ang masasabing tunay na bayani.
Ang bunsong si Carlito na nauna nang tumugon sa tawag ng bansang nanghihina ay angkop sa titulo ng isang bayani. Iniwan niya ang masagana at tahimik na buhay kasama ang pamilya. Matatandaang siya lamang ang wala sa bisperas ng bagong taon – sa halip na nagsasaya kasama ng buong pamilya ay naroon sa malayong lugar upang makipagbakbakan sa giyera. Pati ang kanyang pangarap na maging doktor ay naisakripisyo alay sa kabutihan ng nakararami. Sa huli, namatay siya ng may dignidad; namatay siya ng may iisang pinaglalaban – ang kalayaan.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, naipit lamang si Franco sa pagtanggap ng posisyong maging collaborator. Inalala pala niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Naroong isinakripisyo niya ang kanyang dangal at pagkatao at mas piniling maging sunud-sunuran ng Hapon kahit labag ito sa sinisigaw ng kanyang paninindigan. Matapos umalis ang dalawa niyang kapatid upang tahakin ang kani-kanilang daan sa pakikipaglaban, siya ang sumagot sa responsibilidad na protektahan ang pamilya. Maaari nga’t nagkamali siya sa una, ngunit ang kanyang kamatayan sa huli ang nagpatunay na dalisay ang kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.
-----------------------------------------------------------------------
Play Review for Fil12 under Dr. Beni Santos
Kung Alam Niyo Lang
“Hindi ko nga alam kung saan ko pag-aaralin ‘yung anak ko, mare. Wala pa napapasahang eskwelahan eh! Maghahayskul pa lang, bokya na sa paaralan! Naku, mare. Hinayang na hinayang nga ako at hindi nakapasa sa Risci ‘yung anak ko. Alam mo ‘yun, mare? ‘Yung nasa Binangonan?” wika ng isa sa kanila. At hayun, tuluyan nang nagising ang inaantok kong diwa sa pagkakaulinig ng pangalan ng dati kong paaralan.
Sa totoo lamang, malungkot ako para sa kabiguan ng kanyang anak, ngunit hindi ko masisisi ang ganoong klase ng paaralan. Ang Risci – Rizal National Science High School kung sinisipag ka – ay naitatag sa likod ng mabubuting hangarin at matatayog na pangarap. Itinatag ito upang maging sentro ng kahusayan sa Agham at Teknolohiya, Ingles at Matematika sa nasabing lalawigan. Hinulma ng ganitong layunin ang naiibang paraan nito ng pagsasanay, na sa huli ay ipinagkakaloob lamang sa mga piling Rizaleno na may natatanging talino at kakayahan. Ano pa nga ba naman ang aasahan mo sa isang science high school, sabi ko sa sarili.
Sa sumunod na palitan nila ng palagay at kuru-kuro, lalong nadagdagan ang aking interes sa pag-alam ng kanilang tingin sa naging pangalawa ko nang tahanan. “Ah, alam ko ‘yun, mars. Balita ko nga, magaling ang lahat ng estudyante ‘don!” bilib na wika ng isa. “Biruin mo ‘yung anak ng kapitbahay namin, nakapasa! At hayun, iskolar na. Patpating bata pero napaka-utak. Wala kasing alam kundi ang mag-aral eh. Naku, bagay lang siya dun!” habol pa nito sa kausap. Positibo, kami nga ang tinutukoy niya – kaming dati at kasalukuyang mga Riscians.
Kung alam niyo lang, gustong-gusto ko nang sambitin. Sa dinami-rami ng ganitong mga pag-uusap na matagal ko nang narinig, halos magkakatulad lamang ang kanilang bukambibig. Mga Riscians, walang ginawa kung hindi ang sumubsob sa libro; walang ginawa kung hindi ang magbabad sa larangang pang-akademiko. Mga Riscians, hindi marunong makisama sa “iba”; hindi marunong makihalubilo sapagkat nakakahon lamang sa kanilang sariling mundo. “Ni wala nga ata sa bokabularyo ng mga bata ‘don ang paglilibang, mars!” narinig kong winika muli ng ginang na katabi ko. Kung alam niyo lang, ulit ko.
Hindi lamang pala mga estudyante ang nakikita ng ibang tao sapamamagitan ng paaralang ito. “Ganun nga talaga ang mga bata ‘don. Pati nga ata mga guro eh,” biro ng isa. Guro. Pati pala mga guro, naisip ko. Kung sabagay, maganda’t mataas ang reputasyon ng Risci simula pa lamang nang unang maitatag ito. Pinatunayan ito ng mga produktong mag-aaral na sa kasalukuyan ay may magaganda nang buhay. Sino ang humubog sa mga ito? Sino pa ba, kundi ang mga guro.
“Mataas ang standards ng mga guro dun, mars. Mahigpit, estrikto – medyo nakakatakot pero sobra namang husay lahat!” wika ng isa na tila ba alam na alam niya. “Lahat ay masipag, nasa puso talaga ang pagtuturo kaya palagay ko’y hindi sila kayang pakawalan ng mismong paaralan.” Nauunawaan ko naman kung bakit nila nasasabi ang ganoong mga bagay. Ngunit sa loob-loob ko, isa lamang ang nagpapaulit-ulit: Kung alam niyo lang, kung alam niyo lang.
Hindi pa riyan natatapos ang lahat. “Sayang talaga, mare. Pinakawalan naming ang biyaya. Napakaganda’t napakalaking paaralan, kumpleto pa sa mga kagamitan. Sus maryosep! Hindi kasi pinagbutihan ng anak ko,” inis na binanggit ng isang ginang.
Walang anu-ano’y bumalik sa aking ala-ala ang unang pagkakataong tumapak ako sa teritoryo ng mga Riscians – napakalaki, napakaganda, napakapayapa. Pareho lamang kami ng iniisip sapagkat namangha rin ako noong una sa aking nakita. Nang tumagal pa ang paglagi ko sa apat na sulok nito, bahagyang naiba ang mga pangyayari. Lumiit ang dating napakalaki. Umingay ang dating napakapayapa.
Sa apat na taong pamamalagi ko dito, naging tunay na Riscian ako sa isip, maging sa puso. Minahal ko ang kabuuan ng aking paaralan. Kahit pa sabihing lumiit ito sa aking paningin, dumami naman ang aking mga kaibigan. Laking pasasalamat ko nga at hindi naging mahirap para sa akin ang kilalanin ang kapwa ko Riscians. Kay liit talaga ng aming mundo.
Kahit batid namin ang mataas at mahigpit na pamantayan ng aming paaralan, hindi pa rin namin nakaliligtaan ang maglaro, ang magtawanan, ang maghabulan. Libre kaming gawin iyon dahil sa aming paaralan, hindi naman ito ipinagbabawal. Kahit kami’y ate’t kuya na sa Risci, uso pa rin sa amin ang maglaro ng touchball, na kahit pa mga guro sa amin ay libang na libang sa paglalaro nito.
Totoong madalas kaming tambak ng mga gawain. Totoong mas mahaba ang ginugugol naming oras sa paaralan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, sa loob ng aming paaralan, lahat kami ay masaya. Lahat kami nakahahanap ng oras upang magsaya. Mayroong kakaibang atmospera sa Risci na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari. Ang alam ko lamang ay maluwag ito sa pakiramdam kahit na aminin pang ubod ng hirap pagdating sa pag-aaral.
Mataas ang ekspektasyon ng karamihan sa Risci. Pero sa totoo lamang, hindi lahat ng bagay na matatagpuan dito ay perpekto gaya ng iniisip ng nakararami. Hindi lahat ng bagay na nandirito ay ubod ng galing, ubod ng talino, ubod ng perpekto. Tulad na lamang ng ilang mga guro dito – malalambing sila ngunit hindi lahat sa kanila ay tunay na may puso sa pagtuturo. Minsan, may iilang guro na inaasa na lamang sa mismong mga mag-aaral ang pagkakatuto. Masaklap man isipin, pero salamat sa Diyos at nagbunga pa rin ito sa amin ng positibo.
Sa mga pagkukulang ng aming paaralan, kami mismo ay natutong mamuhay sa matataas na ekspektasyon ng iba. Dahil dito, nahubog kami ng Risci na ibigay ang lahat ng aming makakaya sa lahat ng pagkakataon. Ngayon, ngayong nasa Ateneo na ako, bitbit-bitbit ko pa rin ang aral na ito sa puso ko. Kung tutuusin, ang Risci ay tunay na natatangi hindi lamang dahil sa pangalang nakakabit dito kundi pati na rin sa tatak na nagagawa ng mga simpleng taong nagsusumikap na maging ekstra-ordinaryo.
Nalingat muli ako sa dalawang ginang na katabi ko. Kating-kati na ang dila ko upang makipagdaldalan at maibahagi sa kanila ang nalalaman ko sa paaralang kanilang hinahangaan. Nakaramdam ako ng kiliti sa aking puso; hindi ako sigurado kung ano ito, ngunit napangiti na lamang ako. Sa kasamaang palad, kailangan ko na palang bumaba dahil nakarating na ako sa aking pupuntahan. Naisip ko na lamang, kung alam niyo lang – hindi lahat ng inyong inaakala ay totoo at palaging tama.
-------------------------------------------------------------
Final Paper for Fil12 under Dr. Benilda Santos :>
Kung Kapalit ay Mas Magandang Umaga
Pinag-iisipan ko kung Advocacy Forum tungkol sa Environment ba yung pupuntahan ko, o yung tungkol kay PNoy. Grabe, I’m torn between two options na naman. Noong mga panahong ‘yun, mas lamang na sa akin ko yung Bantay Presidente talk. Duh, ikumpara mo naman kasi sa Environment? Malamang mas interesting na yung kabila. Masyadong marumi ang mundo ng pulitika dito sa Pinas kaya imposibleng wala kang mapupulot at malalamang bago. Sa dinami-rami na kasi ng napuntahan kong talks patungkol sa kalikasan, iisa’t iisa lang rin naman ang aking naririnig: pangalagaan ang kalikasan. Alam ko na naman kasi ‘yun. Alam na naman kasi natin ‘yun. Pero naiintindihan ko kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring sawa ang mga advocates nito na paalalahanan tayong mga tao. Simple lang kung bakit: tumingin ka sa paligid mo, wala ka pa ring makikitang magandang pagbabago.
Akala ko aantukin ako sa talk na yun. Sabayan mo pa ng malamig na hangin, umuulan, makulimlim at kumukulog-kulog na kalangitan. Pero hindi eh! Interesting naman yung topic, kasi nga, hindi siya madalas naririnig. Ganun naman talaga diba, kung ano ang hindi pangkaraniwan sa mata, patok sa masa. Sa totoo nga, na-wirduhan pa ako noong una sa pamagat ng presentasyon: “Embodied Energy, Virtual Water: Environment Costs in Our Daily Lives”. Whaaat? Haha, ang weird no? Embodied Energy na nga, may Virtual Water pa? Parang yung parteng “Environmental Costs in Our Daily Lives” lang ang nakayanang intindihin ng utak ko eh.
Pero nagkamali ako. Hindi naman nosebleed ang mga bagay na pinag-usapan sa nasabing forum. Saya nga eh, marami akong natutunan dito. Embodied Energy pala ang tawag sa enerhiyang nagagamit sa pagpoprodyus at pagyayari ng mga bagay (goods) na ating ginagamit sa pangaraw-araw na buhay. Gusto mo ng halimbawa? Simple lang, fossil fuels at iba pang non-renewable resources. Sa kabilang dako, andiyan naman ang Virtual Water. Hindi ‘yan techie na tubig, nyeh. Ang virtual water ay halos kapareho rin ng konsepto ng Embodied Energy, kaibahan lang ay tubig ito at hindi enerhiya. Hindi ko nga akalain na ang papel na madalas nating gamitin ay kumokonsumo ng napakaraming tubig. Noong nasa elementarya pa lang ako, madalas sinasabi sa amin ng Science teacher namin, “paper is better than plastic”. ‘Yun pala hindi! Eh mas marami pa ngang tubig AT enerhiya ang ginagamit sa pagpoprodyus nito kaysa plastic eh. Eh hindi naman kung saan-saan lang makakakita ng tubig na angkop para dito. Oo nga, makakakita ka ng tubig, kadalasan nama’y madumi. Sa panahon ngayon, hindi naman palaging always present at on the go ang mga resources nating ito. Wala naman kasing permanente sa mundo. Sa ngayon, maaaring marami pa sila, anong malay mo bukas, o sa makalawang-araw? Hindi malayong mawala sila..at maubos.
Ano nga ba ang magandang solusyon dito? Ang magbawas ng produksyon? Ang magbawas ng pagyayari ng mga produktong gagamit ng mga ito sa proseso? Imposible. Sa mundong kung saan pataas nang pataas ang demand ng tao, imposibleng makaiwas ka sa malakihang produksyon. Pero hindi rin tamang isakripsyo ang mga likas na biyayang ito. Wala tayong karapatan para abusuhin ito. Hindi natin ito pagmamay-ari kaya marapat lang na panatilihin natin ang mabuting kalagayan nito.
“The Fading Color of Green is Gold.” Tama nga naman, sa likod ng berdeng kalikasan, makakatagpo tayo ng kayamanan. Kaya naman nating panatilihin ang balanse sa pagitan ng berde at ginto. Walang kailangang magsakripsyo; walang kailangang maagrabyado. Sang-ayon ako sa narinig ko mula sa forum, may magagawa pa tayo para maabot ang balanseng ito. Kailangan lamang nating tandaan ang konsepto ng Sustainable Development: ang pag-abot ng mga pangangailangan ng pangkasalukuyang henerasyon nang hindi natatapakan ang kakayahan ng mga susunod na henerasyong maabot rin ang kanilang mga pangangailangan.
Bilang mga susunod na pinuno ng sari-sarili nating mga industriya, may magagawa tayo para makatuntong dito. Bakit hindi natin isaalang-alang ang kalagayan ng kalikasan bago at habang nasa proseso ng produksyon at paggawa? Hindi natin kailangang pag-eksperimentuhan at itaya pa ang kaligtasan ng ating kalikasan. Sabi nga nila, prevention is better than cure. Ganoon din naman siguro sa usaping ito. Huwag na nating paabutin pa sa puntong sirang-sira na ang kalikasan bago tayo kumilos. Kung kaya namang kumilos nang mas maaga, bakit hindi kung ang kapalit naman nito ay isang mas magandang umaga?
-------------------------------------------------------------------------------
NSTP Reflection Paper on Advocacy Forum: "Embodied Energy, Virtual Water: Environment Costs in Our Daily Lives"
Wala Nang Mas Sasarap Pa
Masarap mag-aral nang libre – wala kang pinoproblemang matrikula, wala kang noong nakakunot na lang sa tuwi-tuwina, wala kang magulang na namomroblema tungkol sa pera. Alam niyo bang nabiyayaan ako ng isang malaking pamilya? Pang-apat ako sa magkakapatid. Ang panganay sa’min, matagal nang nakakawala sa hawla ng pagiging estudyante; samantalang kaming apat na natitira ay nagsusumikap pa ring makatapos sa pag-aaral. Minsan tanong ko sa sarili ko, bakit nga ba kami nag-aaral? Dalawa lang naman ang sagot na naisip ko: 1) para masuklian ang lahat ng pagod at sakripisyo ng aming magulang, at 2) para maihanda at mailatag sa aming harapan ang isang magandang kinabukasan.
Wala nang mas tatamis pa sa biyayang nararanasan ko sa kasalukuyan. Biruin mo, nakakapag-aral ako sa isang prestihiyosong unibersidad sa ‘Pinas nang walang iniintinding matrikula! Habang nag-aaral ako nang libre, kasabay ko rin namang inaabot ang aking mga pangarap. Noong bata pa ako, gusto ko na talagang mapabilang sa hanay ng mga bigating negosyante sa mundo. ‘Yung tipong maihahanay ang pangalan mo sa tabi nila Henry Sy, Bill Gates, at iba pa (wala namang masama sa pangangarap J). Ang maging CEO, ‘yan talaga ang gusto ko. Dahil siguro ito sa aking mga magulang – napakahusay kasi nilang magpatakbo at mangasiwa ng negosyo. Kaya naman heto ako ngayon, Management Engineering ang kinukuhang kurso sa Ateneo.
Masayang pakinggan ang kurso ko ‘no? Management na nga, Engineering pa. Sa’n ka pa? Nakakatuwang isipin na parang dati lamang ay hindi pa malinaw sa akin ang kung anong naghihintay sa akin sa kursong ito. Pero ngayon - ngayong sophomore na ako – alam ko na kung anong direksyon ang tinatahak ko. Sa kursong ito, sinasanay kami sa mahusay na pamamahala ng maliit man o malaking negosyo. Binibigyang halaga ng kursong ito ang paglinang ng kasanayan sa paggawa ng desisyon, at ang kritikal at madiskarteng paglutas ng mga problema na maaaring harapin kapag tumuntong na sa mundo ng komersyo.
Marketing, Operations Research, Accounting and Finance, Economics, Organizational Behavior, Business Strategy...ilan lamang yan sa aming mga pag-aaralan sa kurso. Oo, nosebleed man sa umpisa, pero simple lang ang kahulugan ng lahat ng iyan para sa akin: ihahanda ako ng kursong ito na harapin ang hamon ng walang katiyakang industriya ng pagnenegosyo. Ito ang pangarap ko, kaya dapat panindigan ko.
Kahit libre na ang edukasyon ko, hindi ko akalaing kukunot pa rin itong malapad kong noo. Ang hirap pala kasi talaga sa kolehiyo. Ibang antas na ang mga pinag-aaralan: hindi ka na makikipagbuno sa dati’y tila simpleng mathematics, statistics at iba pang -ics na pinag-aralan nung high school. Ang daming gawain; ang daming dapat pag-aralan at paghandaan. Kaya naman noong narinig ko na required pumasok tuwing Sabado ang lahat ng sophomore na katulad ko, sandamakmak na pagmamaktol at reklamo ang nasambit ko. “Ano ba ‘yan, hassle naman oh,” bulong ko sa sarili ko.
Sa umpisa, mabigat sa pakiramdam ang mabawasan ng kalahating araw ng pahinga sa isang linggo. Limang araw na nga para sa walang katapusang acads, dadagdagan pa ng kalahating araw para lamang sa NSTP? Aminado ako, mabigat sa aking pakiramdam ‘yun noong una. Pero nang naroon na ako, napagtanto kong hindi naman sayang ang kalahating araw na gugugulin namin dito. Hindi naman talaga sayang ang tatlo hanggang apat na oras na ito.
“Pinili kong magtaya. Pinipili kong magtaya. Pipiliin kong magtaya.” Naalala ko ang linyang iyan mula sa isang sector-based organization na aking kinabibilangan. Ngayon, pinili kong itaya ang aking sarili (at ang aking panahon) para muling makapagturo sa bibong mga tsikiting. Ilang taon na rin kasi akong nahinto sa pagtuturo ng mga bata sa Sunday School. Hindi na bago sa akin itong gawaing ito, kaya naman madaling nawala ang dating tila tinik sa dibdib ko.
Sa Erap City (Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal Province) kami nadestino. Hindi pamilyar ang pangalan, hindi pamilyar kung saan, at lalong hindi pamilyar ang mga taong aming pakikitunguhan. Buti na lamang at katulong namin ang Parents Association for Children in Erap City (PACEC) sa gawaing ito. Kung hindi niyo alam, ang PACEC ay isang hindi kalakihang organisasyon sa Erap City. Karamihan sa mga miyembro nito ay mga nanay – mga magulang na nagmamalasakit sa mga kabataan sa nasabing lugar. Nang una namin silang makausap, nakita na namin ang kagustuhan nilang makasama kami sa pagtataguyod ng layuning maitaas ang kalagayan ng edukasyon ng mga kabataang inaalagaan nila. Masaya ako dahil totoo nga na marami pa ang mga kagaya nila na may mabubuting loob – mga kagaya nilang hindi makasarili at bukal sa loob ang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga bata.
Kung tutuusin, halos magkatulad lamang ang responsibilidad na ibinigay sa akin dito. Ang kaibahan lamang nito ay ang mga bata mismo, at pati na rin ang kanilang mga katayuan sa buhay. Nalungkot ako sa kalagayan ng ibang batang aming tinuturuan. Karamihan kasi sa mga residente ng Erap City ay mga relocatees na nagmula pa sa Payatas. Kung hindi salat sa perang panggastos sa araw-araw, edukasyon at pagpapa-aral ng mga anak ang pinoproblema ng karamihan sa kanila. Mayroon din namang mga batang mapalad dahil kaya pa silang pag-aralin ng kanilang magulang. Pero hindi nagiging sapat ang napupulot nilang kaalaman sa kani-kanilang mga paaralan. Alam kong itatanong mo kung bakit.
Hindi na kataka-taka ito kung tutuusin. Oo, mahalaga sa maraming pamilyang Pilipino ang edukasyon ng bawat miyembro, lalo na ng kanilang mga tsikiting. Kaya nga mayroon sa mga ito na kahit minsan lang kumain sa isang araw ay puwede na basta’t makapaglaan lang ng kahit kaunting pera para sa edukasyon ng mga anak. Kahit na may pagpapahalaga tayong mga Pinoy sa edukasyon, ang sistema naman natin ang kadalasan ay palso.
Mararamdaman naman natin na pababa nang pababa ang kalidad ng edukasyon dito sa bansa – lalo na sa elementarya at sekundaryang baitang. Ang resulta ng mga pagsusulit na isinasagawa sa mga elementary at high school students sa bansa ay isang patunay: hindi man lang umabot ang mga nakuhang marka sa inaasahang pamantayan. Dapat lamang na mabahala tayo sa ganitong mga pangyayari. Ang edukasyon ay itinalaga upang magbunga ng mga taong may sapat na kakayahan upang makatulong sa pag-ahon at pag-unlad ng bansa, hindi lang para makadagdag sa bilang ng mga mag-aaral na walang kakayahang makipagsabayan sa hamon ng buhay paglabas sa hawla ng kani-kanilang pamantasan.
“Today, for every 10 children who start their primary education, only 6 go on to continue with their secondary education, and 4 will manage to enter college.” Ano itong nangyayari sa estado ng edukasyon natin? Parang kailan lang, ang dayuhang mga bansa pa ang siyang nagpapadala ng kanilang mga mag-aaral sa Pilipinas upang matuto, pero ngayon tingnan mo, naunahan na nila tayo. Ang mas masakit, sila pa ang mas naunang naka-jackpot mabansagang mga eksperto at mga dalubhasa. Nakakalungkot isipin, hindi ba?
Minsan matatanong na lang natin sa ating mga sarili, sino ba talaga ang dapat nating sisihin sa kasawiang-palad na ito? Kung isasaalang-alang natin ang mga public schools sa ating bansa, karaniwan na ang makikita ng ganitong sitwasyon: mayroong isang guro, ngunit 70 hanggang 100 naman ang estudyante; mayroong isang libro, ngunit 7 naman ang naghahati-hati dito; may isang maliit na silid-aralan, ngunit siksikan naman ang mga paslit na naghahangad lang na matuto. Sa tingin niyo ba, magiging maayos ang bunga kung palagi na lang ganito?
Kuwento nga sa amin nila Nanay Edna sa PACEC, marami sa aming mga tutees ang kasalukuyang nakakaranas ng ganito. Kaya naman pala, sabi ko sa aking sarili. Kaya naman pala ganoon na lang ang kagustuhan nilang makakuha ng tulong mula sa aming mag-aaral na mapalad dahil nakaranas ng magandang edukasyon. Hindi lang naman pera o budget ang dahilan kung bakit ganito sa Pinas. Hindi lang naman pera ang dahilan kung bakit ganito sa Erap City. Hindi lang naman gobyerno’t sistema ng edukasyon ang palso. May kakulangan din kasi tayo: kakulangang kumalinga at tumingin din sa pangangailangan ng ating kapwa.
Binalikan ko tuloy ang motibo ko sa pag-aaral ng mabuti. Naging makasarili pala ako. Naging makasarili ako sa pag-iisip na ang sarili ko lang ang dapat makinabang sa aking mga pinag-aaralan. Hindi lang naman ako ang nag-iisang tao sa mundo; kailangan ko ring abutin ang kapwa ko, at tumulong sa abot ng makakaya ko. Kung ako nga pinag-aaral ng libre, bakit hindi ako tumulong ng libre rin? Hindi naman kailangang tayo lagi ang makinabang, hindi ba?
Ang pagtuturo sa mga batang ito ay paraan na rin kung paano ko maibabalik ang lahat ng biyayang dumating sa akin. Hindi naman makakapekto sa nakakasakal na acads life ang ilang oras ng pagtataya; hindi naman makakaapekto sa nakakasawang acads life ang ilang oras ng pag-aalay ng sarili sa kapwa. Kung tutuusin, masaya at maluwag naman ito sa pakiramdam. Nakakatulong ka na sa kapwa mo, naipapakita mo pa kung gaano ka nabiyayaan ng Diyos hindi lamang ng isang magandang buhay, kundi ng talento na marapat lamang na ibahagi sa iba.
Nagtuturo ako hindi dahil sa kailangan, kundi dahil sa pakiramdam ay magaan. Siguro nga ito pa lang ang kaya kong magawa para sa kanila. Anong malay mo, kapag naihanay na ang pangalan ko katabi ng mga bigating tao sa komersyo, hindi malayong balikan ko sila para tumulong muli sa iba pang paraan na kaya ko.
Matapos kong maranasan ang lahat ng ito, hindi ko na kailanman naisip na pabigat ang pagtuturo sa mga batang naroon. Napalapit na rin naman ako sa kanila. At sigurado akong napalapit na rin sila sa akin. Anong mas sasarap pa kung makatanggap ka ng kapirasong papel na may nakasulat na...
Sinasabi ko sa’yo, wala nang mas sasarap pa. J
Maniwala ka.