Friday, November 12, 2010

Sa Tahanan ng Aking Ama

Ang masaklap na kalagayang sinapit ng mga Pilipino sa ilalim ng pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang tampok sa natatanging dula na pinamagatang “Sa Tahanan ng Aking Ama”. Handog ng Entablado, sa pangunguna ng mga batikang personalidad sa Ateneo na sina Dr. Jerry Respeto at Mr. Jethro Tenorio, mahusay na naihatid ang konsepto ng kabayanihang ipinamalas ng mga Pilipino sa panahong sinisikil ng banyaga ang kalayaang ating pinangangalagaan.

Ang dulang ito ay hindi kasing simple ng iyong inaakala. Hindi lamang ito umiikot sa kapalarang nakatakda sa Pilipinas noong panahon ng digmaan. Hindi lamang ito naglalarawan sa takot at pighati ng bawat mamamayan sa kalagitnaan ng bombang nagsisibagsakan at sa bala ng baril na nagsisiliparan. Ang dulang ito ang siyang salamin sa katotohanang tunay na iba-iba ang paraan upang maitanghal ang kabayanihan.

Sa obrang ito ni Elsa Coscolluela, naging mainam na halimbawa ang pamilya ni Carlos Santamaria sa pagpapalutang ng ganitong kaisipan. Mula sa haligi ng tahanan hanggang sa pinakabunsong anak ay naging palatandaan ng kabayanihan. Ngunit, hindi naging madali ang lahat sa pamilyang ito. Ang salungatan ay nagsilabasan lamang nang sila ay nahulog sa mapanlinlang na pamantayang itinakda ng lipunan tungkol sa pagiging bayani at pagiging tapat sa bansa. Naroong sila’y magkawatak-watak na ng dahil sa mga pananaw kung sino nga ba ang taksil at kung sino nga ba ang masasabing tunay na bayani.

Ang bunsong si Carlito na nauna nang tumugon sa tawag ng bansang nanghihina ay angkop sa titulo ng isang bayani. Iniwan niya ang masagana at tahimik na buhay kasama ang pamilya. Matatandaang siya lamang ang wala sa bisperas ng bagong taon – sa halip na nagsasaya kasama ng buong pamilya ay naroon sa malayong lugar upang makipagbakbakan sa giyera. Pati ang kanyang pangarap na maging doktor ay naisakripisyo alay sa kabutihan ng nakararami. Sa huli, namatay siya ng may dignidad; namatay siya ng may iisang pinaglalaban – ang kalayaan.

Gayundin naman si Miguel, ang panganay na anak nila Carlos at Amanda. Siya rin ay kinakitaan agad ng kabayanihan. Iisa lamang ang kaniyang paninindigan – lumaban ng lumaban hanggang makamtan ang kasarinlan ng bayan. Wala sa kanyang bokabularyo ang pagsuko. Kinakitaan siya ng katapangan sapagkat kahit sariling buhay pa ang nakataya, patuloy pa rin siyang sasabak sa digmaan upang lupigin ang kalaban. Kahit kakaunti na ang natatanaw na liwanag, kahit marami na ang nag-aakalang nag-iisa na ang Pilipinas at tuluyan nang iniwan ng Amerika, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa na babalik ang kaanib at itatatag muli sa bansa ang independensya. Ang kanyang pagsama sa mga gerilya ay malinaw na tanda ng katapangan at kabayanihan.

Ngunit, paano na lamang ang pangalawang anak nila Carlos at Amanda? Paano na si Franco? Kung ibabatay natin ang kanyang sitwasyon sa pangkaraniwang kahulugan ng kabayanihan, siya nga ay maituturing na traydor at palalo. Matapos alukin ni Kapitan Haroda ng posisyon sa pamahalaang Hapon sa Pinas, tinalikuran siya ng kanyang pamilya, maging ng kanyang asawa. Naniniwala siya na hindi na makatwiran ang patuloy na pakikibaka ng mga Pilipino laban sa walang hupang kasamaan ng mga Hapon; na sa bandang huli ay tayo rin ang kawawa, tayo rin ang mauubos.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, naipit lamang si Franco sa pagtanggap ng posisyong maging collaborator. Inalala pala niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Naroong isinakripisyo niya ang kanyang dangal at pagkatao at mas piniling maging sunud-sunuran ng Hapon kahit labag ito sa sinisigaw ng kanyang paninindigan. Matapos umalis ang dalawa niyang kapatid upang tahakin ang kani-kanilang daan sa pakikipaglaban, siya ang sumagot sa responsibilidad na protektahan ang pamilya. Maaari nga’t nagkamali siya sa una, ngunit ang kanyang kamatayan sa huli ang nagpatunay na dalisay ang kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.

Bilang mga magulang, sina Amanda at Carlos ay nagsilbi ring mga bayani sa kanilang mga kaparaanan. Mula sa sistema ng pagpapalaki nila sa mga anak na marunong magpahayag ng kanilang mga paniniwala’t paninindigan, hanggang sa pagpapaubaya ng kapalaran ng kanilang mga anak sa digmaan ay mistulang ugat ng kabayanihan. Walang pinipiling panahon, walang pinipiling pagkakataon. Sila’y mga bayani dahil walang pag-iimbot nilang ipinahiram sa tadhana ang buhay ng kanilang pinakamamahal na mga anak.

Pati na rin ang asawa ni Miguel na si Isabel ay nagmistulang katibayan ng kabayanihan. Sa pagsama ni Miguel sa mga gerilya, naiwan ang kanyang asawa’t mga anak. Hindi nila ito pinigil sapagkat alam nilang ito ang mas nakabubuti. Oo nga’t dumating sa puntong naghirap at tila susuko na ang mga ito dahil sa kaguluhang nagaganap sa bansa. Ngunit gayunpaman, nanatili siyang matatag para sa mga anak. Nanatili siyang ina sa mga ito at walang patid na ipinaglalaban ang karapatan nilang manatili sa mundo.

Gayundin si Cristy, asawa ni Franco. Nagpakita siya ng kabayanihan sapagkat handa siyang tiisin ang lahat ng sakit na dumating sa kanilang buhay mag-asawa. Nanatili siyang matatag at malakas para dito. Patuloy siyang nagmahal at sumuporta kahit hindi magkapareho ang panig nilang mag-asawa.

Ang mga ipinakita ng mga tauhang ito ay sapat upang mapatunayang hindi lamang napapako sa iisang depinisyon ang kabayanihan. Sa pagsulong ng panahon, umiinog din ang konsepto ng pagiging isang bayani. Kung gayon, hindi lamang pakikipaglaban sa kalaban at kamatayan ang sukatan ng kabayanihan. Hindi lamang ito tumutukoy sa katapangan ng tao kundi sa talino, katapatan at kakayahang napanday na ng kanyang mga napagdaanan. Ang sinuman ay maituturing na bayani hangga’t handa siyang magsakripisyo, hangga’t may malasakit siya sa iba, at hangga’t kaya niyang unahin ang kapwa kaysa sarili.

Totoo nga, na ang “Sa Tahanan ng Aking Ama” ay puno ng kuwento ng kagitingan na sumasalamin sa iba’t ibang mukha ng kabayanihang hindi dapat kalimutan at kabayanihang dapat pamarisan.
-----------------------------------------------------------------------
Play Review for Fil12 under Dr. Beni Santos

1 comment:

  1. Where could I avail the video or script of this play. Thanks

    ReplyDelete