Friday, November 12, 2010

The Vagina Monologues: Pagbura sa Stigma ng Kababaihan

Bilang isang babae, nagpapasalamat ako at iniluwal ako sa isang henerasyong nakikita’t nararamdaman na ang papel ng mga kababaihan sa lipunan. Sa lipunang aking nakagisnan, batid ko na ang kasalukuyang mga pribilehiyong ito ay bunga lamang ng pagsusumikap ng mga naunang kababaihan na maipaglaban ang karampatang pagkilala’t pagpupugay.

Ang dulang Vagina Monologues na matagal nang isinusulong sa pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ay isang magandang halimbawa ng pagkikipaglabang ito ng mga kababaihan. Isa itong mabisa’t balyenteng produksyon na may layong ipakita ang mga kabuktutang ipinupukol sa pagkababae, at tuluyang pakawalan ang mga kababaihan sa kubling pagkakalupig. Ang dulang ito ay isiniwalat sa pamamagitan ng mga monologong batay sa mga panayam sa ilang mga kababaihan na nagtatampok ng hindi lamang tungkol sa sekswal na pag-aari (vagina) ng mga babae, kundi ang kanilang samu’t saring mga kuwento ng paglalakbay sa pagtuklas ng kanilang mga sarili.

Sa mga monologong ito, tiyak na madami ang mapagtatanto ng sinumang manonood – babae man o lalaki. Dahil sa kabisaan ng dulang ito sa pagpapakita sa masining na paraan kung paano tinapakan at binahiran ng kabuktutan ang dangal at pangalan ng mga babae noon (kung tutususi’y pati ngayon dahil sa ilang mga bansa ay laganap pa rin ang ganitong kalupitan), mabibigyan ang sinuman ng pagkakataong matingnan ng mas malalim ang kaniyang sarili, upang tuluyang mapagtanto kung naigagalang nga ba ng kaniyang kinabibilangang lipunan ang halagang naidudulot niya sa kabuuan.

Sa kabilang banda, marami na akong narinig na batikos tungkol sa sistema ng wika mayroon ang dulang ito. Iisa lamang ang nais kong linawin sa kanila: hindi lugmok ng kabastusan ang dulang ito. Wala namang bastos sa pagkilala, pag-angkin at pag-uwi sa sariling katawan, hindi ba? Wala namang malaswa sa paglalantad ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan. Isa lamang itong sining upang mabigyan ng tinig ang bawat babae upang ilarawan, para sa kaniyang sarili, ang kaniyang sarili. Tandaang may kapangyarihan ang bawat salitang binibitawan lalo pa’t kung nasasabi mo ito ng wala man lamang kimi-kimi o hiya-hiya.

Ang lahat ng pagmumuni-muning ito na binigyang daan ng dulang The Vagina Monologues ay mayroong iisang kinababagsakan: ang pagwawasto’t pagpapanumbalik ng dangal at dignidad ng mga kababaihan. Salamat sa The Vagina Monologues, at patuloy na naitatama ang mga nararapat lamang itama. Sulong mga kababaihan!
--------------------------------------------------------
Reaction Paper for The Vagina Monologues, Bonus Paper for Fil12 under Dr. Beni Santos

No comments:

Post a Comment