Friday, November 12, 2010

Kung Kapalit ay Mas Magandang Umaga

“Ay! Advocacy Forum nga pala ngayon, ‘no? Naku, hindi na naman ako makakauwi ng maaga neto!” Pasensya na, ganyan lang talaga ang madalas kong reklamo lalo na kung nagkakataong tadtad ako ng gagawin sa buong linggo. Hindi ko rin naman masisisi mga professors ko sa pagbibigay ng walang katapusang mga requirements eh. Dalawang linggo na lang at voila, finals na. Hindi naman kasi talaga finals ang hinihintay ng marami sa atin diba? Ano pa ba kundi S-E-M-B-R-E-A-K.

Pinag-iisipan ko kung Advocacy Forum tungkol sa Environment ba yung pupuntahan ko, o yung tungkol kay PNoy. Grabe, I’m torn between two options na naman.  Noong mga panahong ‘yun, mas lamang na sa akin ko yung Bantay Presidente talk. Duh, ikumpara mo naman kasi sa Environment? Malamang mas interesting na yung kabila. Masyadong marumi ang mundo ng pulitika dito sa Pinas kaya imposibleng wala kang mapupulot at malalamang bago. Sa dinami-rami na kasi ng napuntahan kong talks patungkol sa kalikasan, iisa’t iisa lang rin naman ang aking naririnig: pangalagaan ang kalikasan. Alam ko na naman kasi ‘yun. Alam na naman kasi natin ‘yun. Pero naiintindihan ko kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring sawa ang mga advocates nito na paalalahanan tayong mga tao. Simple lang kung bakit: tumingin ka sa paligid mo, wala ka pa ring makikitang magandang pagbabago.

Akala ko aantukin ako sa talk na yun. Sabayan mo pa ng malamig na hangin, umuulan, makulimlim at kumukulog-kulog na kalangitan. Pero hindi eh! Interesting naman yung topic, kasi nga, hindi siya madalas naririnig. Ganun naman talaga diba, kung ano ang hindi pangkaraniwan sa mata, patok sa masa. Sa totoo nga, na-wirduhan pa ako noong una sa pamagat ng presentasyon: “Embodied Energy, Virtual Water: Environment Costs in Our Daily Lives”. Whaaat? Haha, ang weird no? Embodied Energy na nga, may Virtual Water pa? Parang yung parteng “Environmental Costs in Our Daily Lives” lang ang nakayanang intindihin ng utak ko eh. 

Pero nagkamali ako. Hindi naman nosebleed ang mga bagay na pinag-usapan sa nasabing forum. Saya nga eh, marami akong natutunan dito. Embodied Energy pala ang tawag sa enerhiyang nagagamit sa pagpoprodyus at pagyayari ng mga bagay (goods) na ating ginagamit sa pangaraw-araw na buhay. Gusto mo ng halimbawa? Simple lang, fossil fuels at iba pang non-renewable resources. Sa kabilang dako, andiyan naman ang Virtual Water. Hindi ‘yan techie na tubig, nyeh. Ang virtual water ay halos kapareho rin ng konsepto ng Embodied Energy, kaibahan lang ay tubig ito at hindi enerhiya. Hindi ko nga akalain na ang papel na madalas nating gamitin ay kumokonsumo ng napakaraming tubig. Noong nasa elementarya pa lang ako, madalas sinasabi sa amin ng Science teacher namin, “paper is better than plastic”. ‘Yun pala hindi! Eh mas marami pa ngang tubig AT enerhiya ang ginagamit sa pagpoprodyus nito kaysa plastic eh. Eh hindi naman kung saan-saan lang makakakita ng tubig na angkop para dito. Oo nga, makakakita ka ng tubig, kadalasan nama’y madumi. Sa panahon ngayon, hindi naman palaging always present at on the go ang mga resources nating ito. Wala naman kasing permanente sa mundo. Sa ngayon, maaaring marami pa sila, anong malay mo bukas, o sa makalawang-araw? Hindi malayong mawala sila..at maubos.

Ano nga ba ang magandang solusyon dito? Ang magbawas ng produksyon? Ang magbawas ng pagyayari ng mga produktong gagamit ng mga ito sa proseso? Imposible. Sa mundong kung saan pataas nang pataas ang demand ng tao, imposibleng makaiwas ka sa malakihang produksyon. Pero hindi rin tamang isakripsyo ang mga likas na biyayang ito. Wala tayong karapatan para abusuhin ito. Hindi natin ito pagmamay-ari kaya marapat lang na panatilihin natin ang mabuting kalagayan nito.

“The Fading Color of Green is Gold.” Tama nga naman, sa likod ng berdeng kalikasan, makakatagpo tayo ng kayamanan. Kaya naman nating panatilihin ang balanse sa pagitan ng berde at ginto. Walang kailangang magsakripsyo; walang kailangang maagrabyado. Sang-ayon ako sa narinig ko mula sa forum, may magagawa pa tayo para maabot ang balanseng ito. Kailangan lamang nating tandaan ang konsepto ng Sustainable Development: ang pag-abot ng mga pangangailangan ng pangkasalukuyang henerasyon nang hindi natatapakan ang kakayahan ng mga susunod na henerasyong maabot rin ang kanilang mga pangangailangan.

Bilang mga susunod na pinuno ng sari-sarili nating mga industriya, may magagawa tayo para makatuntong dito. Bakit hindi natin isaalang-alang ang kalagayan ng kalikasan bago at habang nasa proseso ng produksyon at paggawa? Hindi natin kailangang pag-eksperimentuhan at itaya pa ang kaligtasan ng ating kalikasan. Sabi nga nila, prevention is better than cure. Ganoon din naman siguro sa usaping ito. Huwag na nating paabutin pa sa puntong sirang-sira na ang kalikasan bago tayo kumilos. Kung kaya namang kumilos nang mas maaga, bakit hindi kung ang kapalit naman nito ay isang mas magandang umaga?

-------------------------------------------------------------------------------
NSTP Reflection Paper on Advocacy Forum: "Embodied Energy, Virtual Water: Environment Costs in Our Daily Lives"

No comments:

Post a Comment