Friday, November 12, 2010

Kung Alam Niyo Lang

Minsan, sa pagsakay ko ng dyip pauwi, nakatabi ko ang dalawang ginang na bigla na lamang nagpaalala sa akin ng isang espesyal na lugar – isang lugar na lumikha ng aking tatak bilang isang tao, isang lugar na nagbigay marka kung sino talaga ako. Hindi ko sinasadyang makinig sa kanilang pag-uusap, ngunit hindi ko na mapigilan ang aking sarili sa lihim na pakikinig simula nang marinig ko ang paksa ng kanilang pinoproblema.

“Hindi ko nga alam kung saan ko pag-aaralin ‘yung anak ko, mare. Wala pa napapasahang eskwelahan eh! Maghahayskul pa lang, bokya na sa paaralan! Naku, mare. Hinayang na hinayang nga ako at hindi nakapasa sa Risci ‘yung anak ko. Alam mo ‘yun, mare? ‘Yung nasa Binangonan?” wika ng isa sa kanila. At hayun, tuluyan nang nagising ang inaantok kong diwa sa pagkakaulinig ng pangalan ng dati kong paaralan.

Sa totoo lamang, malungkot ako para sa kabiguan ng kanyang anak, ngunit hindi ko masisisi ang ganoong klase ng paaralan. Ang Risci – Rizal National Science High School kung sinisipag ka – ay naitatag sa likod ng mabubuting hangarin at matatayog na pangarap. Itinatag ito upang maging sentro ng kahusayan sa Agham at Teknolohiya, Ingles at Matematika sa nasabing lalawigan. Hinulma ng ganitong layunin ang naiibang paraan nito ng pagsasanay, na sa huli ay ipinagkakaloob lamang sa mga piling Rizaleno na may natatanging talino at kakayahan. Ano pa nga ba naman ang aasahan mo sa isang science high school, sabi ko sa sarili.

Sa sumunod na palitan nila ng palagay at kuru-kuro, lalong nadagdagan ang aking interes sa pag-alam ng kanilang tingin sa naging pangalawa ko nang tahanan. “Ah, alam ko ‘yun, mars. Balita ko nga, magaling ang lahat ng estudyante ‘don!” bilib na wika ng isa. “Biruin mo ‘yung anak ng kapitbahay namin, nakapasa! At hayun, iskolar na. Patpating bata pero napaka-utak. Wala kasing alam kundi ang mag-aral eh. Naku, bagay lang siya dun!” habol pa nito sa kausap. Positibo, kami nga ang tinutukoy niya – kaming dati at kasalukuyang mga Riscians.

Kung alam niyo lang, gustong-gusto ko nang sambitin. Sa dinami-rami ng ganitong mga pag-uusap na matagal ko nang narinig, halos magkakatulad lamang ang kanilang bukambibig. Mga Riscians, walang ginawa kung hindi ang sumubsob sa libro; walang ginawa kung hindi ang magbabad sa larangang pang-akademiko. Mga Riscians, hindi marunong makisama sa “iba”; hindi marunong makihalubilo sapagkat nakakahon lamang sa kanilang sariling mundo. “Ni wala nga ata sa bokabularyo ng mga bata ‘don ang paglilibang, mars!” narinig kong winika muli ng ginang na katabi ko. Kung alam niyo lang, ulit ko.

Hindi lamang pala mga estudyante ang nakikita ng ibang tao sapamamagitan ng paaralang ito. “Ganun nga talaga ang mga bata ‘don. Pati nga ata mga guro eh,” biro ng isa. Guro. Pati pala mga guro, naisip ko. Kung sabagay, maganda’t mataas ang reputasyon ng Risci simula pa lamang nang unang maitatag ito. Pinatunayan ito ng mga produktong mag-aaral na sa kasalukuyan ay may magaganda nang buhay. Sino ang humubog sa mga ito? Sino pa ba, kundi ang mga guro.

“Mataas ang standards ng mga guro dun, mars. Mahigpit, estrikto – medyo nakakatakot pero sobra namang husay lahat!” wika ng isa na tila ba alam na alam niya. “Lahat ay masipag, nasa puso talaga ang pagtuturo kaya palagay ko’y hindi sila kayang pakawalan ng mismong paaralan.” Nauunawaan ko naman kung bakit nila nasasabi ang ganoong mga bagay. Ngunit sa loob-loob ko, isa lamang ang nagpapaulit-ulit: Kung alam niyo lang, kung alam niyo lang.

Hindi pa riyan natatapos ang lahat. “Sayang talaga, mare. Pinakawalan naming ang biyaya. Napakaganda’t napakalaking paaralan, kumpleto pa sa mga kagamitan. Sus maryosep! Hindi kasi pinagbutihan ng anak ko,” inis na binanggit ng isang ginang.

Walang anu-ano’y bumalik sa aking ala-ala ang unang pagkakataong tumapak ako sa teritoryo ng mga Riscians – napakalaki, napakaganda, napakapayapa. Pareho lamang kami ng iniisip sapagkat namangha rin ako noong una sa aking nakita. Nang tumagal pa ang paglagi ko sa apat na sulok nito, bahagyang naiba ang mga pangyayari. Lumiit ang dating napakalaki. Umingay ang dating napakapayapa.

Sa apat na taong pamamalagi ko dito, naging tunay na Riscian ako sa isip, maging sa puso. Minahal ko ang kabuuan ng aking paaralan. Kahit pa sabihing lumiit ito sa aking paningin, dumami naman ang aking mga kaibigan. Laking pasasalamat ko nga at hindi naging mahirap para sa akin ang kilalanin ang kapwa ko Riscians. Kay liit talaga ng aming mundo.

Kahit batid namin ang mataas at mahigpit na pamantayan ng aming paaralan, hindi pa rin namin nakaliligtaan ang maglaro, ang magtawanan, ang maghabulan. Libre kaming gawin iyon dahil sa aming paaralan, hindi naman ito ipinagbabawal. Kahit kami’y ate’t kuya na sa Risci, uso pa rin sa amin ang maglaro ng touchball, na kahit pa mga guro sa amin ay libang na libang sa paglalaro nito.

Totoong madalas kaming tambak ng mga gawain. Totoong mas mahaba ang ginugugol naming oras sa paaralan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, sa loob ng aming paaralan, lahat kami ay masaya. Lahat kami nakahahanap ng oras upang magsaya. Mayroong kakaibang atmospera sa Risci na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari. Ang alam ko lamang ay maluwag ito sa pakiramdam kahit na aminin pang ubod ng hirap pagdating sa pag-aaral.

Mataas ang ekspektasyon ng karamihan sa Risci. Pero sa totoo lamang, hindi lahat ng bagay na matatagpuan dito ay perpekto gaya ng iniisip ng nakararami. Hindi lahat ng bagay na nandirito ay ubod ng galing, ubod ng talino, ubod ng perpekto. Tulad na lamang ng ilang mga guro dito – malalambing sila ngunit hindi lahat sa kanila ay tunay na may puso sa pagtuturo. Minsan, may iilang guro na inaasa na lamang sa mismong mga mag-aaral ang pagkakatuto. Masaklap man isipin, pero salamat sa Diyos at nagbunga pa rin ito sa amin ng positibo.

Sa mga pagkukulang ng aming paaralan, kami mismo ay natutong mamuhay sa matataas na ekspektasyon ng iba. Dahil dito, nahubog kami ng Risci na ibigay ang lahat ng aming makakaya sa lahat ng pagkakataon. Ngayon, ngayong nasa Ateneo na ako, bitbit-bitbit ko pa rin ang aral na ito sa puso ko. Kung tutuusin, ang Risci ay tunay na natatangi hindi lamang dahil sa pangalang nakakabit dito kundi pati na rin sa tatak na nagagawa ng mga simpleng taong nagsusumikap na maging ekstra-ordinaryo.

Nalingat muli ako sa dalawang ginang na katabi ko. Kating-kati na ang dila ko upang makipagdaldalan at maibahagi sa kanila ang nalalaman ko sa paaralang kanilang hinahangaan. Nakaramdam ako ng kiliti sa aking puso; hindi ako sigurado kung ano ito, ngunit napangiti na lamang ako. Sa kasamaang palad, kailangan ko na palang bumaba dahil nakarating na ako sa aking pupuntahan. Naisip ko na lamang, kung alam niyo lang – hindi lahat ng inyong inaakala ay totoo at palaging tama.

-------------------------------------------------------------
Final Paper for Fil12 under Dr. Benilda Santos :>

No comments:

Post a Comment