Tuesday, April 3, 2012

Ang Tunay na Diskurso

Madalas akong makakita ng mga taong naghihikahos nang dahil sa kahirapan. At sa bawat engkwentro ko ng ganitong mga senaryo ay hindi ko maiwasang maawa, mahabag, at mapaisip kung bakit kailangang magkaroon ng mga kagaya nilang lugmok na lugmok sa karukhaan. Hindi ko alam kung bakit, pero ang tanong na kung sino nga ba ang dapat sisihin sa ganitong mga pangyayari ay hindi ko magawang tanggalin magpahanggang-ngayon sa aking isipan.

Bakit mahirap ang Pilipinas? Bakit nananatiling mahirap ang karamihan sa ating mga Pilipino? Sino ang may kasalanan? Sino nga ba talaga ang tunay na nagkukulang?

Sa kalakaran ng buhay ngayon, kapag wala kang pinag-aralan, wala kang matinong trabaho. Kapag wala kang trabaho, wala kang karapatan sa isang maginhawang buhay. At kapag wala kang maginhawang buhay, wala ka―kung meron ma’y manipis lamang―na pagkakataon pa upang mabago ang iyong kalagayan. Ang ganitong klase ng pag-iisip ay bunga ng isang dominanteng katwiran na humigit-kumulang ay nagpapatupad ng isang eksploytatibo at marahas na sistema ng pamamalakad. Sa ganitong mga paksa, tunay na lumulutang ang karaniwang pag-iisip nating mga Pilipino na hangga’t wala ang isang tao sa panig ng dominanteng katwiran, mananatili siyang talunan, mananatili ang kaniyang katwiran na sugatan.

Kung ganito lang rin naman, hindi malayo na mabansagan natin ang katwiran ng mahihirap bilang isang binawian at sugatang katwiran. Sa pagdaan ng panahon, lalong tumingkad ang siwang, ang patlang, sa pagitan ng mga nakaaangat at mga naghihirap. Nariyang lantaran na nililimitahan ng kasalukuyang kalakaran ang kanilang pagpapatupad ng sarili nang ayon sa kanilang potensya’t katwiran. Nariyan rin ang lantarang diskriminasyon sa mga taong ito na tunay nga namang nakakapagpababa ng kanilang tiwala’t kumpyansa sa kanilang mga sarili. Ano na ang nagiging bunga? Imbis na bumuo at humanap ng paraan upang mapatibay at mabuong muli ang nawasak na pagtingin sa kanilang katwiran, heto’t hinahayaan nila na malugmok na lamang sila sa kahirapan.

Kung tatanungin natin, paano nga ba sila nabawian? Gaya ng ating natuklasan, naging bunga ito ng labis na pagtatakda, paglalapat at pagpapanaig ng dominanteng katwiran sa paggogobyerno. Maraming pagkakataon rin na nagpupumilit lamang ang dominanteng katwiran upang ipasok ang kanilang mga paraan ng pag-iisip sa mga paraan ng mga nabawian. Madalas nga sa pulitika, maraming mga Kinatawan ang nagsusulong ng mga batas na hindi naman talaga nakakapagpayaman ng interes ng kanyang mga nasasakupan. Meron ding mga pagkakataon kung saan naipasa ang ilang batas na hindi naman talagang nakakatulong sa pagresolba ng mga nananaig na problema ng mga taong nangangailangan sa kasalukuyan. Oo, may mga pagsisikap at pagpupunyagi pa rin naman para sa panig ng mga kawani ng gobyerno. Ngunit kung ang tatanungin ay mismong mga taong inaasahang matulungan ng gobyerno, panigurado akong magugulat ka sa mga sagot na iyong maaaring marinig.

Oo, maraming sangay at departamento ang gobyerno na sadyang nilikha upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga tao, lalo na ang mga kabilang sa mga maralitang dukha. Nariyan ang samu’t saring mga development programs na naglalayong mabigyan ang mga taong ito nang sapat na kaalaman para mapabuti ang kasalukuyang kalagayan. At nariyan rin ang iba’t ibang empowerment programs na nagbibigay kakayahan sa mga naisantabi upang makitagpo sa dominanteng katwiran. Sa katotohanan, marami pa ang ganitong mga uri ng programa na pinangungunahan ng ating gobyerno sa tulong ng mga local government units. Hanga rin naman ako sa mga taong nagpakahirap magplano ng ganitong mga gawain. Ngunit ang tanong, anong pangmatagalang kaibahan ba ang maidudulot nito sa mga taong may bitbit ng sugatang katwiran? Marahil nga nakatutulong ito sa mga nabawian upang makaranas man lang ng gawaing pagpapalaya mula sa dominanteng katwiran. Ngunit dahil ang gamit ng mga gawaing ito ay bokabularyo pa rin ng mga nasa dominanteng katwiran, anong substansyal na kaibahan nga ba nito sa hindi makatarungang pagpataw ng dominanteng katwiran sa mga sugatan? Oo, marahil malinaw nga ang magandang motibo ng mga nabanggit na programa kaugnay sa paggobyerno. Ngunit dahil hindi ganap ang partisipasyon ng mga binawian sa nasabing pakikitagpo, hindi pa rin magiging ganap ang prosesong ito ng pagpapalaya. Baka magmukhang isa na namang episodyo ng patatakda ang ganitong mga programa kung hindi pahihintulutan ang paggamit ng sariling katwiran at tinig ng mga may sugatang katwiran.

Ngunit dahil hindi pa lubos na ganito ang mga programa natin dito sa bansa, marami pa rin sa ating mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, na basta na lang tanggap ng tanggap kung ano ang ibigay at iabot sa kanila ng dominanteng katwiran. Ang pag-iisip na ito ay maaaring maipaliwanag ng isang atitud ng mga Pilipino―”mabuti na ‘to kaysa wala”. Dahil na rin siguro sa sobrang kahirapan ng buhay, na kahit anong tulong―kahit panandalian lamang ang karamihan sa mga ito―mula sa gobyerno ay sapat na para kanila itong tanggapin, kahit alam nila na dehado pa rin sila kahit anong mangyari.

Ang ganitong pananaw na ‘hala-sige-tanggap’ ay may mas malalim pang implikasyon patungkol sa mga sugatang katwiran. Sa katotohanan, para sa mga Pilipinong ito, mas madaling maging mahirap kaysa maging maluwag sa buhay. Mas gugustuhin pa nilang manatili sa pagiging mahirap dahil―para sa kanila―di hamak naman na mas madali ang umasa sa iba. Katwiran nila, “bakit mo naman gugustuhing umangat pa sa buhay eh palagi namang may dumarating na abuloy o limos?” Oo, totoo nga sila na mas madaling “mangalabit penge” kaysa umasa sa sarili sa pagpapaganda ng kanilang kalagayan sa buhay. Nakakapanuya ngang isipin na ang mga taong ito na imbis na magkumahog makakawala sa hawla ng kahirapan ay pilit pang kinukulong ang kanilang sarili sa loob sa takot na mabago pa ang kung anuman ang kanyang kinagawian.

Kung babalik tayo sa tanong na sino nga ba talaga ang may kasalanan, malamang marami ang magbibigay sisi sa gobyerno―kesyo kurakot, kesyo walang political will, kesyo manhid sa mga pangangailangan ng mga taong kanilang pinagsisilbihan, atbp. Ngunit sa totoo lang, may kinalaman din ang mga tao dito lalo na ‘yung mga nabawian sapagkat sila’y nakuntento na lang sa isang banda. Hindi naman kasi sila inabandona ng pag-asa; sadyang inabandona lang nila ito sapul nang magpasya silang pahintulutan ang pagkawala ng tiwala sa sarili at sa kumpyansa sa halaga ng kanilang katwiran.

Gaya ng ating nakita, tunay na mahirap ang pakikipagtalaban lalo na kung ang daloy ng diskurso ay hawak pa rin ng dominanteng katwiran. Para mapahintulutan ang tunay na diskurso na may layong mapalaya ang dalawang panig mula sa kanilang pagkakakulong, marapat lamang na isali talaga ang sugatang katwiran sa larong ito. Tulungan muna natin silang mapagtanto at maging mulat na ang kanilang katwiran ay may taglay ding kahalagahan. At para naman sa dominanteng katwiran, marapat lamang na makita nito ang kahalagahan ng pagsisisi nang sa gayon ay makita sa bawat layunin nito ang paggalang sa lahat ng katwiran sa mga panukala. Dahil sa dalawang ito lamang sisibol ang isang tunay na diskursong hindi lang ukol sa pagpapahayag ng sarili, kundi sa pagpapahintulot ng tunay na diskurso, ng tunay na pakikibahagi.

-----------------------------------------------------------------------
PH102 Class, Dr. Rodriguez's class :-)

No comments:

Post a Comment