“Mga kabataan, kayo ang pag-asang bayan."
― Jose Rizal
Ilang beses na nating narinig ang mga katagang iyan, ngunit tila naging sirang plaka na rin naman dahil halos wala―kung meron man ay bilang na bilang naman―ang pumapansin, o kaya’y nagpapahalaga. Kahit na wikain mo pa iyan ng paulit-ulit ay lalabas at lalabas pa rin sa kabilang tainga. Sa dami ba naman ng iniisip at inaasikaso ng modernong kabataan, kapag wala kang kuwento, wala kang kuwenta.
Pero kung bibigyan mo lamang kahit kaunting panahon upang pag-isipan at pagnilay-nilayan, hindi malayong mapagtanto mo na itong si Rizal, si Rizal na pinagmamalaki’t tinitingala, ay wala ni katiting na alinlangang ihabilin sa atin―sa ating mga kabataan―ang kaniyang tiwala’t kumpyansa pagdating sa mga usapin ng paglaya’t pagunlad nitong ating bansa. Nakakamanghang isipin na bagama’t siya mismo’y hindi sigurado sa mga posibleng mangyari sa hinaharap ay ganoon na lang ang katiyakang mababakas mo nang kaniyang winika: “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Ngunit, tama nga ba siya? O pagkakamali nga lang ba na tayo’y kaniyang pagkatiwalaan? Mabigat na responsibilidad ito, oo. Pero natanong mo na ba kung karapat-dapat nga ba tayong tawaging “pag-asa” nitong ating bayan? Karapat-dapat nga ba tayong ihayo sa pagpapanatili nitong ating pagka-Pilipino? Kung titingnan mo man ang sarili mo sa puntong ito, ano nga ba ang naaaninag mo? Isang tunay na Pilipino o isang dayuhang nasa ilalim lang ng isang maskarang Pilipino”?
Aminin mo, mahirap ilarawan kung sino at ano nga ba talaga ang isang kabataang Pilipino. Sa itsura’t pananamit maski sa ugali’t pag-iisip ay para bang isang pala-isipan para sa karamihan sa atin. Gamit ang dulang Sampung mga Daliri ng Entablado, maaari nating balikan at pagmuni-munihan kung papaano nga ba tayo naging ganito, kung papaano nga ba tayo nailuklok sa ganitong kalagayan.
Hindi na kaila sa atin ang naging pananakop sa Pilipinas ng Espanya. Maliban sa Kristyanismo, ginamit rin nila ang edukasyon upang akitin tayong mga Pilipino. Ang mga kabataan naman ay inobliga ngang pumunta sa eskuwela hindi upang mag-aral, kundi mangabisote. Ipinataw kasi sa atin ang kaisipang “kung mangmang ang isang tao, wala itong mararating”. Kaya naman simula’t sapul pa lang ay nagkukumahog at nagpupumilit na tayong yumakap sa kanluraning karunungan. Iniisip kasi natin na kung wala ito, walang pag-asa na tayo’y umasenso.
Malala nga lang noong panahong dominante pa ang prayle sa bansa, kinondisyon nila tayong mga kabataan na tumanggap lang ng tumanggap. Ni hindi nila tayo pinahintulutang gamitin ang sariling pangangatwiran, ang sariling pag-iisip. Ni hindi nila tayo pinayagang pagyamanin ang ating kaalaman. Ninakawan nila tayo ng kalayaang mag-isip para sa ating mga sarili, ng kalayaang kumilos ayon sa ating katwiran. Gusto nating matuto para umunlad, gusto nating mag-aral para umasenso, pero ano? Dahil sa panggigipit ng mga prayle, unti-unting naisantabi ang ating pagka-Pilipino. Sa loob ng ilang daantaong pagpataw ng kaisipa’t kulturang Kastila sa ating mga Pilipino, hindi natin namalayang nagiging inutil na pala tayo, na hinubaran na pala tayo ng kapangyarihang tumuklas, ng kakayahang maging malikhain, at ng pagkakataong makita ang halaga natin bilang tao, bilang mga Pilipino.
Sa mga panahong ito, hindi natin masasabing ganap na dominante ang katwirang Kastila; hindi rin natin masasabing ito’y lagi at lubos na namamayani sa lahat ng pinatawan. Bakit? Dahil meron pa rin namang mga pagkakataon na naipapakita natin ang katwiran nating mga Pilipino. Katulad na lamang ng karanasan ni Placido Penitente. Nang siya’y napuno na sa pang-aabuso ng kaniyang propesor na Kastila, hinayaan niya ang sariling ilabas ang kaniyang saloobin, ang kaniyang hinanakit, ang kaniyang pangangatwiran. Sa ganoong paraan, namamalayan ng dominanteng mga prayle ang presensya ng mga katwirang pilit nilang pinapatay, pilit nilang isinasantabi.
Sa pagkakaagaw sa atin ng ating kalayaan, dumating naman at naipasa tayo sa kamay ng mga Amerikano. Dahil nga naikintal na sa ating mga isipan na ang tanging paraan ng pag-asenso ay ang daan ng edukasyon, tayo na nama’y nahumali sa bitbit-bitbit ng mga Amerikanong “edukasyon para sa lahat”. Kung tutuusin, ang karanasan natin sa kamay ng mga Amerikano ay talagang ibang-iba sa karanasan natin sa kamay ng mga Kastila ― hindi ganoong karahas, hindi ganoong kasikil, hindi ganoong mapang-abuso. Kaya naman madaling napalapit ang ating loob sa kanila. Nariyang pinakilala nila sa atin ang wikang Ingles, at samu’t saring mga produkto na buhat pa sa Amerika.
Ang pakiramdam natin, hindi nila tayo binabawian, bagkus ay binabahagian pa nga. At sa pag-iral ng dominanteng katwirang dala ng mga Amerikano, natuto tayong sumakay na lang dito. Sa puntong ito, naisip natin na ang tanging paraan para umangat ang ating pamumuhay, ang tanging paraan upang tayo’y ganap na maliwanagan, ay ang pagsakay sa kung ano man ang dominante. Kaso masyado tayong yumakap sa konseptong ito, masyado tayong napalulong sa dayuhang katwiran na ito. Nabawian pa rin tayo sapagkat halos sumasabay na lamang tayo sa dominanteng katwiran nang hindi man lamang natin pinag-iisipan. Hindi ito matatawag na malikhain para sa atin! Ang bayad natin sa ating pagsakay sa dominanteng katwiran na ito ay ang pagkawala ng ating identidad bilang mga Pilipino. Sige, sabihin mo, aling bahagi pa nga ba ng ating pagkatao ang Pilipinong Pilipino?
Sa karanasang ito, hindi natin namalayang naisantabi pa rin tayo. Hindi natin namalayan ang ating pagka-binawian sapagkat masyado na tayong nasiyahan sa pagsabay sa agos ng kung ano man ang dominante. Hindi natin namamalayan na nalilihis na pala tayo sa ating landas, ni hindi nga natin napapansin ang mga mas mahahalaga pang problemang na dapat sana’y sabay-sabay nating nilulutas.
Kaya pansinin mo ang nangyari sa ating mga kabataan ngayon. Ni hindi nga natin makitaan ng halaga ang mga katagang binitawan ni Rizal. Kabataan, pag-asa ng bayan? Pag-asa? Para saan pa ang paghanap ng kapayapaan kung tapos na ang giyera? Ganiyan. Ganiyan tayo mag-isip ngayon. Para na rin nating sinabi na “para saan pa ang paghanap ng makatarungang lipunan, kung nakasakay na rin lang kami sa dominanteng katwiran?” Hindi natin naiisip na nagiging makasarili tayo sa pagtagal ng panahon. Hindi natin napapansin na ang tagumpay natin ay maaaring maging paghihirap ng iba.
Sa paglipas ng panahon, sa pagsulpot ng makabagong teknolohiya, maaaring hindi na natin mapansin at mabigyang linaw kung sino o ano ba ang siyang nagpapataw sa atin ng dominanteng katwiran. Kaya ang pag-iwas na lang sa mga ito ay tila hindi mabisang solusyon upang mahanap nating muli ang daan pabalik sa ating nawalang identidad, sa ating nawalang pag-asa. Hindi rin kinakailangang buwagin natin ang lahat at sa halip ay bumalik sa pamamaraang sinauna. Ang kailangan lang nati’y mag-ingat ng mabuti, mag-isip para sa sarili, at walang humpay na makibahagi. Hindi lang dapat tayo basta tanggap ng tanggap. Mahirap gawin, oo. Pero anong malay mo? Nagsisimula lang naman ang lahat sa pagkilala natin sa ating mga kamalian, pati sa ating potensyal na magbago.
Kaya naman, tayo’y babalik sa tanong natin noong una pa―sino na nga ba ang dapat kumilos para buuing muli itong ating nasyon, maging itong ating pagka-Pilipino? Hindi ang mga Kastila, hindi rin ang mga Amerikano. Lahat tayo―bilang Pilipino. Sana ang mga katagang sinambit ni Gat Jose Rizal ay maging hamon, aral o di kaya’y inspirasyon para sa atin upang ating makilala ang potensya ng bawat isa na maging tunay na malaya, na maging ganap na malikhain.
-------------------------------------------------------------------------------
Paper for Philo102, Ateneo de Manila University
Got an A for this one! :-)
Tuesday, April 3, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment