Tuesday, April 3, 2012

Sa Kaniyang Dapitan


Magpahanggang ngayon, kaliwa’t kanan pa rin ang mga debate kung nararapat nga bang kilalanin o hindi si Rizal bilang ating pambansang bayani. Sa ibang bansa kasi, ayon nga sa historyador na si Renato Constantino, karaniwang itinatanghal na pambansang bayani ang mga naging lider ng kani-kanilang rebolusyon gaya, halimbawa, ni Ho Chi Minh ng Vietnam, Simon Bolivar ng Timog Amerika, at Sun Yat-sen ng Tsina. Ngunit, sa ating bansa, ang nailuklok bilang natatanging pambansang bayani ay hindi naging puno ng rebolusyon. Sa katunayan, tinutulan niya ang kilusan; itinakwil niya ang rebolusyon. Iyan ang isang bagay na naging malinaw sa akin matapos kong matunghayan ang dulang Sa Kaniyang Dapitan ng Entablado.

Maraming historyador at kritiko ang nagsasabing hindi naging ganap ang kaningningan ng himagsikan dahil sa naging pagtutol dito ni Jose Rizal. Dahil dito, ang kaangkupan ni Rizal sa pangingibabaw sa pantheon ng kabayanihan ay madalas binabatikos ng mga taong may higit na pagpapahalaga sa isa pang mahalagang persona sa ating kasaysayan¬, si Andres Bonifacio. Tampok rin ang tunggalian (sa paniniwala’t sa paninindigan) na ito sa unang parte ng dula, pinamagatang El Grito de Rebelion. Ngunit, bakit nga ba ito pinagtatalunan pa hanggang ngayon? Iisa lang ang katwiran ng karamihan: dahil hindi naman daw nga “tumugon” si Rizal sa kadalasang balangkas ng pagiging tunay na bayani―ang napipintong pagaaklas tungo sa kalayaan, ang himagsikan, ang rebelyon.

Ang tunggalian na ito ay hindi lamang nakapaloob sa kahalagahan ng mga nagawa nila para sa ating bayan, kundi higit sa lahat ay sa kaangkupan ng dinadalang pilosopiya at reseta ng bawat isa bilang lunas sa mga sakit ng ating lipunan. Para sa akin, hindi naman talaga basehan ng pagkabayani ang pagkakatali sa imahe ng madugong himagsikan; hindi naman kailangang lider ka ng rebolusyon o ng anumang madugong bakbakan bago ka makilala bilang pambansang bayani. Oo, totoong naiiba si Rizal kina Bonifacio, Jacinto, Sun Yat-sen, at maging kay Ho Chi Minh. Ngunit hindi pa rin mapasusubalian ang kaganapan niya sa pagkakaluklok sa naturang bansag. Sadyang iba lang talaga ang naging tugon ni Rizal sa tawag ng panahon noong kasagsagan ng kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas, sadyang iba lang talaga ang kaniyang pananaw sa sitwasyon ukol sa napipintong rebolusyon, sadyang iba lang talaga ang kaniyang pagkiling at oryentasyon sa isyung pangkalayaan ng ating bansa.

Sa ating pagtatanong kung karapat-dapat bang si Rizal ang hirangin at bansagang pambansang bayani ng Pilipinas, hindi ba tila mas mahalaga pang maintindihan at mapatunayan kung naisakatuparan nga bang talaga ni Rizal ang kaniyang tunay na potensya? Tadhana niya nga bang mabaril sa Bagumbayan at hindi ang mamatay sa gitna ng isang madugong labanan o giyera?

Kagaya na lamang ng ibang importante’t bigating mga taong ating kilala sa kasalukuyan, maaari nating masabi na sa pagkamatay ni Rizal, lubhang nasayang ang kaniyang potensya. Sa katunayan, inilihad nga ng manunulat na si Jose del Rosario III sa kaniyang librong “Kung Buhay si Rizal Ngayon…” ang posibleng maging “kapalaran” ni Rizal bilang botanist, doktor at manunulat sa kasalukuyan. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit nasasabi ito ng karamihan? Ibig sabihin ba nito na ang buong buhay ni Rizal bago ang kaniyang kamatayan ay nasayang at nawalan lang lahat ng katuturan? Nagkakamali tayo kung ganoon ang pagtingin natin dito; nagkakamali tayo kung ating ikinakahon ang konsepto ng “tadhana” bilang isang bagay na itinakda sa bawat isa sa atin upang ating paghandaan at abutin sa tamang panahon o timing. Lingid sa ating kaalaman, ang tadhana ay tumutukoy hindi sa “balang araw” na mga bagay, kundi sa pinaka-angkop na tugon sa laro ng mga nagtatalabang presensya at maging sa sarili mismong pagprepresensya. Dahil tunay na isinasakatuparan ng tao ang kaniyang potensya bawat sandali ng kaniyang pagmemeron, maaari na rin nating masabi na sa bawat sandali rin niya ipinapatupad ang kaniyang tadhana. Sa kaso ni Rizal, hindi porket bigo siyang makita’t isakonkreto ng ganap ang mabuti niyang mga hangarin sa ating bansa (sa pamamagitan ng pagsulong ng mga reporma sa edukasyon) ay hindi na niya naisakatuparan ang kaganapan ng kaniyang potensya, ang kaniyang tadhana.

Sabi nga nila, kung tutugunan mo lang ang tawag ng katalagahan, higit na magiging ganap ang iyong pagmemeron. Maaaring ang tawag ng katalagahan kay Rizal sa kasagsagan ng pang-aabuso’t kawalang katarungan ng pamahalaang Kastila ay ang walang hapong pagkapit sa kaniyang paninindiga. Tinugunan lamang niya ang tawag na itong ituwid ang tiwaling lipunang kanilang kinamulatan. Walang nasayang na potensya, walang nasayang na mga posibilidad. Bakit? Dahil siya’y nanalig hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa kaniyang paniniwala, sa posibilidad ng reporma―at hindi sa pamamagitan ng himagsikan―mula sa mga dayuhang kapangyarihan.

Alam na rin naman natin na nagaganap ang pagsasakonkreto ng ako sa may hangganang ngayon at dito. At dahil dito, makikita rin natin na ang tadhanang ito ay laging nababatay sa kapalaran. Kapalaran hindi bilang isang bagay na kumakahon sa atin, kundi isang bagay na nagbabalangkas sa ating konkretong pagdirito. Siguro naitanong na rin ninyo sa inyong mga sarili kung bakit iba ang paniniwala ni Rizal kumpara sa iba. Ito’y dahil sa ibang pagtatalaban ng kaniyang pagsasakasaysayan, sistema ng pagpapahalaga, pananaw at marami pang iba. Totoong binabalangkas siya ng sariling timpla ng kapalaran, ngunit inangkin pa rin niya ang kalayaang makilala ang potensya nito. Hindi man lubos maintindihan ng iba, ngunit sa huli, pinili niyang maging isang “bayaning” tahimik ang pakikipaglaban alang-alang sa bayan.

--------------------------------------------------------------------------------
PH101 Reflection Paper about Ateneo Entablado's play entitled "Sa Kaniyang Dapitan".

No comments:

Post a Comment