Tuesday, April 3, 2012

Pilosopong Tanong: Sino Ako?

Ang tanong na pinakamahirap palang sagutin ay hindi mga tanong o problemang pangmatematika, kundi ang pilosopikal na tanong kung sino ka bang talaga. Tiyak kong matatagalan ka sa pag-isip ng tumpak na sagot sa tanong na iyan. Madalas nga mababaw na mga bagay lang ang tugon natin sa tanong na ito: “Ako ‘yung nanalo ng ganito”, “Ako ‘yung nakita sa tv noong”, “Ako ‘yung nag-balediktoryan sa”, at samu’t sari pa. Kung hindi mga kuwento ng tagumpay o mga katuparan natin sa buhay, ari-arian naman natin ang ating madalas na ibinibida. Nakakatawa ngang isipin na may iilan, na kahit na malinaw na nauukol ang tanong na “Sino ka ba?” o “Sino Ako?” sa mismong taong pinagtatanungan, ay ganito pa rin ang pagpapakilala sa sarili: “Ay, kamag-anak ako ni”, “Kadikit ako ni”, o kaya nama’y “Ay, kaibigan ako ni”. Halos laging paimbabaw ang mga kasagutan, halos laging hindi tumpak sa sarili ang kasagutan.

Sa katunayan nga, hindi ito ang tipo ng tanong na madalas usisain at hingan ng sagot; hindi ito ang tipo ng tanong na madalas mabigyang pansin ng sinuman; at hindi rin ito ang tanong na kagyat mong makikita ang tampok na kahalagahan. Bakit nga ba? Para saan pa? Sa buhay natin ngayon, masyado na tayong ligalig at abalang-abala sa kani-kaniya nating mga buhay―kaliwa’t kanan ba naman kasi ang ating katungkulan bilang anak, bilang kapatid, bilang estudyante, o kaya’y bilang kaibigan. Tila ba kaposna kapos na ang ating oras para ilaan pa sa ganitong mga bagay. Isa pa, maaaring dahil na rin ito sa katotohanang tila awtomatiko at halos wala nang malay ang ating pagkilos sa panahon at kalawakan. Hindi na natin iniintindi pang masyado ang mga bagay-bagay dahil parang “nakatakda” na ang kahulugan ng mga ito sa atin. Madalas nga, tanggap na lang tayo ng tanggap; wala na nga doon yung pagpupunyaging maunawaan pa ang ating bawat mga hakbang. Tayo ay waring mga “awtomaton” na walang humpay sa pagkilos tungo sa isang hangaring tila nakaprograma na sa atin. Baka nga nabulag na tayo sa mga ganitong gawi; kaya naman naging kumportable na tayo sa mga nakatakdang elemento na tila ba nagbibigay kahulugan sa ating buhay at sa ating mga sarili.

Kaya ano na ang kadalasang nangyayari? Gulantangin lang tayo ng krisis, yanigin lang tayo ng kagipitan, makakalimutan na natin ang mga tiyak na batayang ito at kalimita’y nakaliligtaan na rin natin ang katiyakan ng sandigan ng buhay, ng ipinagpapalagay nating mismong sarili. Bunga nito, hindi na natin matalunton ang daan pabalik sa dating “tayo”. Kung minsan pa’y hindi natin matukoy kung papaano at kung saan nga ba talaga tayo babalik, kung saan nga ba talaga “tayo” nagmula.

Dahil nga ang karamihan sa ati’y sanay na sa magandang buhay na kung saan ang halos lahat ay nasa dulo na ng ating mga daliri, sa buhay na kung saan lagi tayong nakauungos sa mga suliranin, at sa buhay na kung saan ang halos lahat ay nasa maayos na kalagayan, labis tayong nabibigla kapag naka-engkwentro na tayo ng bagay na hindi naman natin inaasahan. Nababagabag tayo ng mga isyung ito na minsa’y umaabot pa nga sa puntong hindi na natin mapagtahi-tahi pang muli ang ating mga sarili. Alam ko naman na lahat tayo ay nagsusumikap na maging maganda ang buhay, lahat tayo nagsusumikap makaranas ng buhay na walang alanganin at walang iniintinding krisis o problema. Ngunit lingid sa ating kaalaman na ang kalagayan ng pagka-alanganing ito ay kailangan rin natin bilang mga ako, bilang mga tao. Marahil sasabihin niyo “Sus, madaling sabihin, mahirap gawin.” Oo, marahil madali nga sabihing importante rin ang pagdanas ng mga krisis. At, oo, alam ko rin na mahirap itong maisapuso, mahirap itong matanggap nang buong-buo, at lalong higit na mahirap itong maunawaan nang lubusan. Sinong tanga naman kasi ang lantarang magnanais ng mga krisis na ito, hindi ba? Subalit kung ating iisipin, tunay na may kabuluhan ang mga ito sa pagpapatatag, pagpapatibay at pagpapayabong ng ating mga sarili. Marahil nga hindi sila kanais-nais, ngunit sa tulong ng mga krisis na ito, matutunghayan natin ang mas malawak na oportunidad na makilala pa ang sarili. Ngunit, paano? Walang iba kundi sa pamamagitan ng pagbubulaybulay, ng pagmumunimuni.

Ayon nga kay Marcel, hindi dapat tinatanong kung ano ang pagmumunimuni. Hindi naman kasi ito isang bagay na natutunghayan lamang, kundi isang bagay na dinaranas, isang bagay na hindi naman matututunan o lubos na mauunawaan kung hindi isasagawa. Dalawa ang nibel ng pagmumunimuni ayon kay Marcel. Ang unang pagmumunimuni ay ang pagbuwag sa kabuuan ng karanasan, at pagtingin sa mga detalyeng ito nang malapitan. Ang paksa ng unang pagmumunimuni ay mga obhetong detalye ng karanasan, karaniwan mga problema. Sa ganitong paraan, nasa labas ang sarili kaya maaari pang mahanapan ng konkretong sagot, konkretong solusyon at paliwanag ang bawat konkretong katanungang bumagabag sa persona. Mula dito, maaaring maaninag ng sarili ang pinakamainam na hakbang kung sakaling makatagpo man niyang muli ang parehong problema. Dahil na rin dito, nagkakaroon tayo ng oportunidad makilala ang sarili, kung papaano nga ba ito tumutugon sa kaniyang substansya. Sa parehong paraan, mapapatunayan rin natin na ang tanong na “Sino ako” ay isang tanong ng taong kadalasa’y nakakaenkwentro ng problema, o kaya nama’y mga hadlang sa kaniyang pagsasakonkreto. Ang unang pagmumunimuni ay nagbibigay samakatuwid ng tiyak na imahe ng ako, nagbibigay ng tiyak na imahe ng sarili. Ngunit, tila hindi pa nito nahuhuli nang buong-buo ang pagka-akong meron ang sarili. Kung gayon, kasabay rin ng tanong na ito ang pagmamalay na kailangang pagmunimunihan pang muli ang sarili.

At dito naman maaaring pumasok ang pangalawang nibel ng pagmumunimuni. Ito ay nakatuon sa pagdudugtong-dugtong muli ng karanasan matapos ang naisagawang dekonstruksyon sa unang nibel. Sa pagbubuo muli ng karanasan ng sarili, para ka na ring pumaimbulog palabas para makita’t masulyapan ang kabuuan nito. Dito mo makikita ang sarili bilang kabahagi ng karanasan; dito mo matutunghayan ang pakikisangkot ng sarili sa kabuuan ng karanasan. Kung sa unang nibel ay malinaw ang lahat mula sa tanong na tinutugunan at maging ang mismong tugon dito, lumalabong bahagya naman ang mga bagay-bagay sa ikalawang nibel ng pagmumuni. Dito’y nagiging misteryo ang problema dahil kinikilala mo ang sariling pakikibahagi sa konteksto ng krisis na sinusubukan mong lutasin. Sabi nga nila, para masagot mo ang misteryong ito, hindi mo talaga maiiwasang masangkot dito. At sa direktang pagkakasangkot mong ito, napagtatanto mong ang sarili ay sabay malinaw, ngunit sabay ring hindi malinaw o malabo. Dahil na rin dito, ika’y pinipilit na lumabas at tingnan ang sarili bilang kabahagi ng kabuuan, bilang kabahagi ng kapwa.

Sa ganitong paraan, makikilala natin na ang tanong na Sino Ako ay hindi na nananatiling isang tanong na paloob, kundi isang pahayag na palabas. Paano mo malalamang ang sarili mo’y umiiral? Bulagang heto ako! Kaya nga ang pag-iral ay EXist eh―“EX-” bilang simbolo ng sarili bilang palabas na pagpreresensya. Ang misteryo ng sarili na natunghayan sa pagmumunimuni ay unti-unti at dahan-dahang mabubunyag sa mismong ako sa pamamagitan ng pakikisangkot rin sa iba, sa pamamagitan rin ng pagpapakilala sa iba. “Hindi mo makikilala ang sarili kung mananatili ka lamang sa iyong sarili.” Kailangan mo ring lumabas at magpaimbulog palabas (zoom out) para iyong ganap na makita. Makiugnay ka para malaman mo! Magpakilala ka upang matukoy mo!

Nakita natin na sa tulong na rin ng pagmumuni-muni, nakikilala mo nang mas malaliman ang sarili: napagtatanto mo ang mga kinikilala mo bilang mga bagay na makabuluhan, nasusuri mo kung papaano ka namuhay bago dumating ang punto ng krisis, at hahayaan kang akayin ang sarili sa paghahanap ng angkop na kalutasan sa suliranin nang sa gayo’y makapagpasya ang ako ng mga pagbabago o pagpapabuting nauukol sa obheto ng tanong na pinakamahirap palang sagutin―ang tanong ng sino ako.

-----------------------------------------------------------------
Another awesome paper for Ph101! My first A in Dr Rodriguez's class, yeey! :-)

No comments:

Post a Comment