Tuesday, April 3, 2012

Kapalaran at Tadhana


Masarap mabuhay ng normal, ang magkaroon ng maraming kaibigan at mga taong tunay na tatanggap sa iyo. Oo, masarap ang pakiramdam na tila perpekto ka sa mata ng mga tao. Subalit naisip mo ba bilang isang “ganap” at may masayang buhay, na may mga taong may kapintasan at may kapansanan na buong buhay nang dadalhin ang ganitong kapalaran? ‘Yaong mga taong bulag, bingi, pipi, at pilay, maging sila na may matinding karamdaman ay grabe na lang kung pandirian? Naiisip mo ba na halos hindi na mabilang ang mga gabing sila’y umiiyak na lamang sa isang lugar, nag-iisa, kadalasan pa’y balisa na sana hindi sila pagtawanan at kutyain ng mga tao?

Hindi ba’t sa lipunan dapat magmumula ang support system na kanilang kinakailangan? Ngunit sa tingin niyo ba naibibigay ng lipunan ang mga karapatang ito sa mga kababayan nating may kapansanan? O hanggang diskriminasyon na lang ba ang patuloy nilang mararanasan? Paumanhin, alam kong puro mabibigat na tanong ang aking naibabato sa puntong ito. Sadyang hindi ko lang talaga maiwasang madismaya matapos kong matunghayan ang masalimuot na realidad sa labas nitong ginagalawan kong hawla.

Nakalulungkot pala talagang isipin na karamihan sa atin―tayong mga ordinaryo at “normal” na tao kung tawagin―ay baluktot ang pagtingin sa mga taong may kapansanan. Hindi man natin sila hayagang binabastos o di kaya’y harap-harapang pinagmamalupitan, sigurado akong iba pa rin ang tumatakbo sa ating mga isipan ― kung hindi “haay, kawawa naman” o “naku po, sayang”, nariyan naman ang “shit, kadiri, abnormal” pati “susmarya, walang kuwenta”. Pero teka, sino ba tayo upang magpataw ng kung ano ang normal sa hindi normal? Sino nga ba tayo upang manghusga’t basta-basta na lang mandiskrimina?

Kung tutuusin, hindi nila kasalanan ang magkaroon ng ganoong kapalaran. At sigurado akong hindi nila pinili ang nasabing balangkas ng gayong konkretong pagdirito, sapagkat simula’t sapul pa lamang ay bitbit-bitbit na nila ito. Ngunit dahil nga marami sa atin ang may balikong pagtingin sa sinapit nilang kalagayan, imbis na matanggap nila ang nasabing kapalaran at imbis na magamit nila ito upang “matumbasan” man lang ang nasabing kakulangan, ay kanila pa itong napaniniwalaan. Madalas nga bumababa na rin ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Pinaniniwalaan nila kung ano ang pinaniniwalaan ng mundo, ng nakararami, ng lipunang di hamak naman na mas malaki at mas maimpluwensya. Dahil sinasabi natin―ng lipunan, ng mundo―na hindi na sila makababangon pa, heto’t nakokondisyon sila upang angkinin ang pag-iisip na wala na silang kapaga-pagasa. “Maliit ako kumpara sa mundo, ano pa nga bang laban ko? Ano pang magagawa ko kung ang lipunang ginagalawan ko’y hindi rin naman pantay ang pagtrato?”

Kung tutuusin, hindi naman sapat (tila mas tama pa ngang sasabihin na “hindi kailanman magiging sapat”) na basehan ang panlabas na kaanyuan para masabi mong may kuwenta ang isang tao sa lipunan. Hindi naman dahil naputulan lang sila ng daliri o kaya’y kinulang lang sila ng paa ay wala na silang magagawa para sa baya’t lipunan. Kaya naman nagagalak pa rin ako na sa kabila ng balikong kalakarang nangingibabaw sa lipunang ating kinabibilangan ay mayroon pa ring mga institusyon na tumutulong sa kanila na baguhin ang tingin sa sarili, institusyong naglalayong bigyan sila ng tsansang patunayan sa mundo na posible pa rin ang pagbabago.

Dito napukaw ng Tahanang Walang Hagdanan ang aking atensyon upang mapagmuni-munihan hindi lamang ang kalagayan ng mga may kapansanan, kundi pati ang kalagayan ng ating kinabibilangang lipunan. Sa pamamagitan nila, naipararating sa mga kapatid nating may kapansanan na hindi nagtatapos ang kanilang kapalaran sa kanilang mga disabilities, na hindi nagtatapos ang lahat sa kanilang mga pisikal na kakulangan. Maaaring may mga bagay silang hindi na kaya pang gawin sapagkat hindi na ito pinahihintulutan ng kanilang pisikal na kapasidad, ngunit hindi ito nangangahulugan ng kanilang pagkakagapos. Sapagkat lahat ng tao, may kapansanan man o wala, ay malaya―malaya dahil nararanasan niya ang pangangailangang magpasya. At ang pagpapasyang ito ay laging tungo sa pagsasakatuparan ng potensya ng kaniyang sarili.

Kadalasan nga hindi masyadong malay ang mga tao sa proseso ng pagpapasyang ito; nagiging malay lang siya kapag nakikita na niya ang epekto ng mga pasyang ito sa kaniyang buhay. Sa kaso ng mga kapatid nating may mga disabilidad, maaaring hindi pa sila ganap na malay na tinatahak na pala nila ang daan ng pagbabago. Marahil sa simpleng pagpapahintulot nila sa kanilang sarili na magbukas sa mga gawaing ipinepresenta sakanila ng institusyon ay nahuhubog na pala ang kanilang pagkatao, maging ang kanilang pag-iisip, na harapin―gaano pa man kapait o kapangit―ang katotohanan, at gamitin ito kinalaunan sa kanilang bentaha. Dito natin makikita na totoo ngang binabalangkas ng kapalaran ang bawat pagpapasya, ngunit may epekto rin ang bawat pagpapasyang ito sa kanilang kapalaran. Gaya nga ng kanilang sinasabi, “ang tao, habang gumagawa ng bagong pasya, ay lumilikha ng panibagong mga posibilidad.” At salamat sa Diyos, dahil sa mga panibagong posibilidad na ito ay nabibigyang bagong hugis ang balangkas ng kanilang pagdirito.

Ngayon, nakita na natin na posible talagang masabi na sa pamamagitan ng mga institusyong gaya ng Tahanang Walang Hagdanan ay napapahintulutang mabago ang pagtingin ng may kapansanan sa kaniyang sarili. Paano naman kasi siya tuluyang mababago’t mabibigyan ng panibagong tsansa kung hindi ito magsisimula sa kanyang sarili mismo, hindi ba? Kung gayon, nakatutukso ring isipin na baka nga sa loob ng tahanang ito ay naabot na nila ang kaganapan ng kanilang tadhana. Baka marapat ring sabihin na sa pagkakaroon nila ng trabaho sa loob ng munting komunidad na ito ay natutugunan na nila nang ganap, nang buong-buo, ang kanilang tadhana. Hayaan ninyo akong magtanong pa: ibig sabihin ba nito na ang tadhana lang nila ay ang makabilang sa Tahanang Walang Hagdanan upang magamit sa iba’t ibang larangang pang-ekonomiko? Ibig sabihin ba nito na sa pagkakaroon nila ng trabaho ay napatutunayan na nilang naganap na nila ang kanilang potensya? At masasabi nga ba natin na sa pagkakaroon lamang ng matino’t disenteng panunugkulan sa lipunan ay maabot na nila ang kanilang tadhana?

Mas gusto ko atang isipin na hindi pa―hindi pa dito nagtatapos ang kanilang tadhana. Para sa akin, hindi pa rin talaga angkop na sabihin na “ayos lang na doon na sila”, na “tutal may trabaho na naman sila doon at nagagamit sa pagsulong ng ekonomiya ay ganap na sila”. Bakit? Simple lang―hindi ka pa rin sandaang porsyentong garantisado na matatagpuan nila ang kaganapan ng sarili sa pananatili sa loob nito. Kahit ano pang ganda ng oportunidad na makikita mo sa loob ng nasabing komunidad, magsisilbi pa rin itong isang “artificial environment” kahit papaano. Artipisyal sapagkat hindi lahat ng klase ng posibilidad ay nagagawa nitong saklawin. Kailangan rin kasi nating ipaalam sa kanila na may mas malaki pang mundo ang naghihintay sa kanila sa labas ng komunidad na ito. At sa mas malaking mundo na ito, maaari pa silang makakita ng iba pang mga oportunidad―oportunidad na hindi naman natin ginagarantisadong mas makabubuti para sa kanila. Ngunit gaya nga ng napagtanto natin kanina, kahit ano pang oportunidad ang kanilang masaksihan sa mas malaking mundo ay may pagkakataon pa rin silang tugunan ang kung anumang tawag nito.

Kung magpapasya man siya na kaharapin ang mas malaking mundo, makahuhubog siya ng panibagong set ng mga posibilidad. At ang bawat posibilidad at oportunidad na kaniyang nabubuksan ay pagkakataon pa rin upang angkinin niya ang pagsasakatuparan ng tadhana. Sabi nga natin, ang tadhana ay laging bago sa bawat oras; hindi ito isang bagay na “panghinaharap” sapagkat bawat oras ay pagkakataon upang tugunan ang iyong potensya. Ang potensyang ito, at mahalaga rin namang malaman natin ito, ay nakikilala lamang sa kakayahan ng isang taong makitagpo o makilala ang iba, ang kapwa niya ako.

Kung gayon, dito natin lubos na mababatid ang isang napakahalagang elemento (o entidad) na may kinalaman sa pagtatakda ng kapalaran, at maging ng katuparan ng tadhana. Walang iba kundi ang lipunang ating ginagalawan, ang ating sociedad. Siya ang nagdidikta, siya ang pinagmumulan, ng tawag―tawag na makitagpo sa laro ng mga nagtatalabang presensya tulad ng iba’t ibang mga puwersa sa lipunan (eg: mga institusyon, kapwa taong may disabilidad man o wala, etc). Nasasayo na ang desisyong magbukas dito, upang katagpuin at tugunan ano man ito.

Sa huli, maaaring naitanong na rin ninyo sa inyong mga sarili, “kahit ba magsikap ng magsikap ang mga taong ito, saan pa rin ba sila patungo?” Sa totoo lang, ang hirap, ang hirap nitong hanapan ng kasagutan. Ngunit sa aking pagkakawari, malaki ang posibilidad na masadlak pa rin sila at patuloy na malilimitahan kung ang lipuna’y mananatili sa kabuluka’t kabaluktutang kinatatayuan nito ngayon. Hindi lamang kasi silang ang may kailangang baguhin; hindi lamang sila ang may kailangang pagbutihin at pag-igihin. Lahat tayo’y may pagkukulang na dapat punan, lahat tayo’y may mga pagkakamaling kailangan nating ituwid, kailangan nating itama. Alam kong ito’y mahirap lubusang maisakatuparan, ngunit lahat naman ng ito’y marapat lamang upang maanyayahan natin ang isang lipunang pinamamayanihan ng pagkakapantay-pantay, pinamamayanihan ng katarungan.

--------------------------------------------------------------------
Reflection Paper for PH101 (Philosophy of the Human Person I) class under Dr. Rodriguez. The paper was about my JEEP immersion experience in Tahanang Walang Hagdan.

No comments:

Post a Comment